Gobyerno at publiko, dapat joint forces kontra karahasan sa halalan
- BULGAR
- Apr 22, 2022
- 1 min read
@Editorial | April 22, 2022
Palapit na nang palapit ang mismong araw ng halalan kaya mas umiinit na rin ang kampanya.
Masasabing mas maingay at makulay ang eleksyon ngayon dahil naging mas aktibo ang mga kandidato at supporters lalo na online.
Gayunman, ang pinangangambahang mas matinding bakbakan ay nangyayari pa rin.
Ayon sa Philippine National Plice (PNP), aabot na sa 28 election related incidents (ERI) ang naitala ngayong panahon ng halalan – January 9 hanggang April 17, 2022.
Dahil dito, nag-deploy ng dagdag na puwersa ang PNP at maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga lugar na may naiulat na karahasan.
Nasa 114 areas din ang inirekomenda ng PNP sa Comelec na kabilang sa “red category” o hot spot areas ngayong halalan. Habang dalawang lugar sa Lanao del Sur ang nasa Comelec control dahil naman sa banta ng mga local terrorist group.
Naglatag na rin ng security measures laban sa anumang pagtatangkang pananabotahe sa mismong araw ng halalan sa Mayo 9.
Tiniyak ng pamunuan ng PNP na hindi magtatagumpay ang anumang masamang plano dahil nagsasagawa na umano sila ng contingency measures upang matugunan ang nasabing mga banta.
Ngayon pa lamang ay 100% na umanong handa ang PNP sa pagpapatupad ng seguridad sa lahat ng mga lugar na kanilang nasasaklaw.
Hindi lang mga awtoridad ang dapat na maging handa sa anumang masamang banta kundi maging tayo ring mamamayan.
Kung may mga napapansin tayong ‘di normal na maaaring makaapekto nang ‘di mabuti sa ating halalan, agad na makipag-ugnayan sa kinauukulan.
Ingatan natin ang halalan, ang ating karapatan sa pagboto. Huwag nating hayaan na maharang o mapasok ng kasamaan.



Comments