top of page
Search
  • BULGAR

Gobyerno at publiko, dapat handa, tumaas man o hindi ang COVID cases

ni Ryan Sison - @Boses | September 17, 2022


Ilang araw matapos ipatupad ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa buong bansa, patuloy sa pagpapaalala ang mga eksperto na maging maingat pa rin dahil nananatili ang banta ng COVID-19.


Gayunman, sinabi ng OCTA Research Group na hindi magdudulot ng sobrang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang pagluluwag sa mask mandate. Binigyang-diin pa ng grupo na ginagawa na ito sa ibang bansa, partikular sa Singapore at South Korea, ngunit hindi nagdudulot ng pagtaas ng bilang ng kaso dahil marami ang bakunado kontra virus, maliban noong Enero ngayong taon kung saan nagkaroon ng Omicron surge.


Base sa OCTA Research monitoring, nagkaroon din ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa nakaraang linggo dahil sa pagtaas ng mobility, pero hindi na tulad ng pagtaas sa mga nakaraang panahon.


Samantala, iniulat naman ng Department of Health (DOH) na unti-unti nang bumababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa lahat ng lugar, maliban sa Mindanao.


Sa totoo lang, nananatiling hati ang opinyon ng taumbayan sa maluwag na restriksyon hinggil sa face mask.


Marahil, may pangamba pa rin ang iba dahil totoo namang nar’yan lamang ang virus at natatakot na mahawa. Pabor naman sa ilan dahil ginhawa umano sa paghinga, gayundin, bawas sa gastos. Habang ‘yung iba naman ay dedma sa kung ano ang ipatutupad ng pamahalaan, kumbaga, magluwag man o hindi, susunod na lang.


Tiniyak man ng OCTA na walang magiging pagtaas dahil sa maluwag na restriksyon, hindi naman ito mangangahulugan na puwede na talaga tayong magrelaks. Tandaan, kailangan pa ring manatili ng face mask sa loob ng establisimyento at pampublikong transportasyon.


Anuman ang mangyari matapos ang pagluluwag na ito— tumaas man ang bilang ng mga kaso ng sakit o hindi, sana’y handa tayo.


Hindi nagtatapos sa pagpapatupad ng boluntaryong paggamit ng face mask ang laban natin sa pandemya. Tulad ng paulit-ulit na paalala, nariyan lang ang virus sa paligid.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page