Gobyerno at private sector, kailangang magtulungan para sa dagdag-classroom
@Editorial | August 28, 2022
Problema pa rin ang kakulangan sa classroom.
May mga eskwelahan na dumidiskarte na lang kung paano mapagkakasya ang mga estudyante sa silid-aralan. 'Yung iba, nagtitiyaga na lang sa mga pasilyo, maitawid lang ang klase. Ang tanong, nakakarating naman kaya nang maayos at malinaw ang mga aralin?
Aminado ang Department of Budget and Management (DBM) na walang sapat na pondo ang gobyerno sa ilalim ng P5.2 trilyong proposed national budget sa 2023 para ganap na matugunan ang kakulangan sa classroom. Mayroon umanong hiwalay na budget para sa mga gusali ng paaralan na P13.9 bilyon, pero walang sapat na pondo para sa backlog ng mga silid-aralan.
Kaya umaasa tayo may ibang paraan ang gobyerno para matugunan ang mga problema na kaugnay nito.
May mga nagsa-suggest na palawakin ang shifting ng klase at i-convert sa classroom ang ibang silid sa iskul.
Mainam din kung may pagkakataon na maging kabalikat ang mas marami pang indibidwal, grupo at iba pang nasa pribadong sektor na may kakayahang tumulong.
Sana, matapos na ang problema sa silid-aralan na taun-taon na lang ay inirereklamo. Sana sa bagong administrasyon ay magawan na ito ng solusyon lalo na ngayong may banta pa ng COVID-19 at iba pang nakahahawang sakit.
Galaw-galaw tayo, huwag nating tulugan ang mga usapin sa edukasyon, alang-alang sa kinabukasan ng mga kabataan



Comments