top of page
Search
  • BULGAR

GINTOOOOO!

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 4, 2024


Sports News
Photo: Carlos Yulo / FB

May medalyang ginto na ang Pilipinas sa Paris 2024! Isama na si Carlos Yulo sa listahan matapos niya maghari sa Men’s Floor Exercise ng Artistic Gymnastics Sabado ng gabi sa Accor Arena.


Minarkahan si Yulo ng 15.000 na pinakamataas sa mga nakuha niya kumpara sa qualifying at pati sa kanyang pagsabak sa Men’s Individual All-Around sa nakalipas na linggo. Nahati ang kanyang puntos sa 6.600 para sa Difficulty at 8.400 para sa Execution.


Nagtanghal na pangatlo, linampasan agad ni Yulo ang mga naunang sina Tokyo 2020 kampeon Artem Dolgopyat ng Israel (14.966) at pilak Rayderley Zapata ng Espanya (14.333). Mula doon ay hinintay niya ang kanyang kapalaran hanggang matapos ang nalalabing limang kalahok.


Isa-isang sumalang sina Zhang Boheng ng Tsina (13.933), Milad Karimi ng Kazakhstan (14.500) ngunit hindi sila nakapasok sa liderato. Luminaw ang larawan nang markahan ng 14.933 lang si Jake Jarman ng Gran Britanya, ang numero uno noong qualifier, at natiyak na ang tanso depende sa huling dalawang magpapalabas.


Pagkakataon ni Illia Kovtun ng Ukraine at 14.533 ang nakuha niya. Huling nagtanghal si Luke Whitehouse ng Gran Britanya at matapos ihayag ang kanyang 14.466 ay walang duda na itutugtog ang “Lupang Hinirang” sa palaruan.


Hindi naitanggol ni Dolgopyat ang kanyang ginto at nakuntento sa pilak. Tanso si Jarman na ang nanay ay galing Cebu.


Hahanapin ng pinakabagong bayani ang kanyang pangalawang medalya sa finals ng Men’s Vault sa Agosto 4 simula 10:24 ng gabi. Nagtapos ng pang-apat sa nasabing disiplina sa Tokyo 2020.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page