Gilas Youth dinurog ang Vietnam sa FIBA U-16
- BULGAR
- 9 hours ago
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 24, 2025
Photo: Gilas Pilipinas Youth laban sa Vietnam FIBA U16 - RDB
Laro ngayong Linggo – Bren Z. Guiao 7:30 PM Pilipinas vs. Thailand
Ipinagpag ng Gilas Pilipinas Youth ang malambot na simula upang durugin ang Vietnam, 113-62, sa simula ng FIBA Under-16 Asia Cup Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Qualifiers 2025 sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.
Agad nagpadala ng mensahe ang mga manlalaro ni Coach LA Tenorio na seryoso sila na manatili ang perpektong marka ng bansa sa torneo mula 2011.
Bumuhos ng walang sunod-sunod na puntos ang Vietnam para lumamang, 13-4, at pitong minuto ang nalalabi sa unang quarter. Ipinasok na ang mga reserba at binuhay nila ang paghabol ng mga Pinoy sa likod nina Jolo Pascual, Travis Pascual at Jhello Lumague para tuluyang kunin ang unang quarter, 29-20.
Tuloy-tuloy ang arangkada ng mga Pinoy at umabot ang pinakamalaking lamang sa 107-56, sa mga shoot nina Prince Carino, Lumague at Andwele Cabanero. Sinubukang bawasan ng Vietnam ang agwat sa huling dalawang minuto.
Dinomina ng 6’7” Carino ang mga mas maliit na bantay para magbagsak ng 16 puntos at 12 rebound sa 21 minuto lang.
Gumawa din ng 16 si Travis Pascual habang 14 si Jolo Pascual. Nanguna sa Vietnam si Nguyen Hoang Minh Khang na may 13 buhat sa tatlong three-points.
Nag-ambag si reserba Nguyen Le Cao ng 12. Sa ibang laro, binuksan ng Indonesia ang torneo sa 68-47 panalo sa Singapore.
Nagwagi ang Thailand sa Malaysia, 56-47, sa maagang pagkikita ng mga paboritong mag-uwi ng medalya.
Comments