Gilas Women's wakas na ang kampanya sa WJC
- BULGAR

- Jul 11, 2024
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 11, 2024

Nagwakas ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa parehong paraan kung paano ito nagsimula, isang 66-82 talo sa host team Chinese-Taipei Blue sa huling laro ng torneo Miyerkules ng gabi sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City. Bunga ng resulta, nawala sa mga Pinay ang medalyang tanso at nagtapos na may kartadang 2-3 panalo-talo.
Buong laro humabol ang Gilas at sumandal ang Taiwan kay Lin Yu Ting na may 15 at Lin Wen Yu na may 10. Sinikap ni Naomi Panganiban na buhatin ang koponan sa kanyang 19 habang sumunod sina Afril Bernardino at Stefanie Berberabe na parehong may 12.
Samantala, pormal na kinoronahan ang Japan Universiade bilang kampeon ng torneo sa bisa ng pagwalis nila ng lahat ng kanilang mga laro. Huling biktima ng mga Haponesa ang Thailand, 94-63, sa likod ng 21 puntos ni Haru Owaki.
Lumikha ng tabla ang Chinese-Taipei White, Pilipinas at Thailand sa 2-3. Ayon sa kabuuang inilamang nila sa mga laro nila, napunta sa Taiwanese ang tanso (+12) at pang-apat ang mga Pinay (-3) at pang-lima ang mga Thai (-9).
Napunta sa Chinese-Taipei Blue (4-1) ang pilak. Kulelat ang Malaysia na walang tagumpay sa limang laro.
Hihintayin na ang torneo ng mga kalalakihan simula Hulyo tampok ang Strong Group Athletics ng Pilipinas. Hahamunin sila ng mga kinatawan Australia, Malaysia, United Arab Emirates, Ukraine, Estados Unidos at dalawa galing Chinese-Taipei.








Comments