Gilas women babawi para iangat ang 'Pinas sa Asiad

by Anthony Servinio @Sports News | September 16, 2026

Photo: Huwag na raw mabahala ang Gilas Men dahil silang Gilas women na raw ang bahala sa gold sa umpisa ng kanilang kampanya sa 20th Asian Games. (mix trend ph)
Laro ngayong Huwebes - Aichi
3:00 PM Pilipinas vs. Kazakhstan
Matapos sumadsad ang Gilas Pilipinas sa Men's Basketball, panahon na para bumawi ng Women's Team sa simula ng kanilang kampanya sa Aichi-Nagoya Asian Games ngayong Huwebes. Unang makakaharap ng Pinay Ballers ang Kazakhstan sa Grupo B sa Aichi International Arena.
Ang 12 ng Gilas ay sina Afril Bernardino, Janine Pontejos, Stef Berberabe, Beth Means, Kent Pastrana Camille Clarin, Monique del Carmen, Jhaz Joson, Camille Malagar, Angelica Surada, Karl Ann Pingol at Hazelle Yam. Head coach si BT Toews na bitbit ang malawak na karanasan sa mga liga sa Japan.
Susunod para sa Gilas ang Hong Kong sa Setyembre 20 at host Japan sa 22. Tulad ng torneo ng kalalakihan, ang dalawang pinakamataas sa tatlong grupo at dalawa na pinakamataas sa lahat na pangatlo ang magbubuo ng walo sa quarterfinals.
Nagkataon na ang mga makakalaro ng mga Pinay ay siya ring mga nakalalaro nila sa elimination ng Hangzhou 2022 kung saan umabot sila ng quarterfinals at nagtapos ng ika-lima sa 12 koponan. Sina Bernardino, Pontejos, Berberabe at del Carmen ang mga magbabalik sa pambansang koponan na ginabayan noon ni Coach Patrick Aquino.
Tinalo nila ang Kazakhstan, 83-59, at HK, 99-63, pero nadapa sa Japan, 59-96. Sa quarterfinals bumigay ang Gilas sa Timog Korea, 71-93.
Nasa Grupo A ang defending champion Tsina, Indonesia at Thailand. Ang Grupo C ay Timog Korea, Mongolia, Chinese-Taipei at Malaysia.
Samantala, ang Men's at Women's 3x3 ay nakatakda sa Lunes sa Kinjo-futo Station Square. Sasabay ito sa huling araw ng elimination at playoffs ng Women's Basketball, dahilan para magpasya ang SBP na walang lalahok sa dalawang hiwalay na sport.





Comments