Gilas Pilipinas U-18 lalarga sa FIBA Asia Cup
- BULGAR

- Jul 24, 2024
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 24, 2024

Dinomina ng Gilas Pilipinas ang Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Qualifiers sa MABA Stadium ng Kuala Lumpur na nagwakas noong Linggo upang maselyuhan ang kanilang tiket patungong 2024 FIBA Under-18 Asia Cup sa Amman, Jordan ngayong Set. 2 hanggang 9. Madaling ipinanalo ng mga Pinoy ang tatlo nilang laro laban sa host Malaysia (97-71), Thailand (87-53) at Indonesia (87-64).
Pinangunahan ang Batang Gilas ni Andy Gemao kasama sina Joaquin Ludovice, Marc Daniel Burgos, Drei Lorenzo, Earl Medina, Wilhelm Cabonilas, Charles Esteban, Justin Hunter, Hans Castillejos, Carl Manding, Jericho Santos at Mark Esperanza. Head Coach si Josh Reyes kasama ang mga assistant Allen Ricardo, Allan Albano, Dean Castano, Roberts Labagala at JB Sison.
Nakuha ng Indonesia ang isa pang tiket ng Timog Silangang Asya patungong Amman. Naunang nakapasok sa torneo ang host Jordan, defending champion Timog Korea, Iran at Lebanon ng Kanlurang Asya, Kazakhstan ng Gitnang Asya, India ng Timog Asya, Tsina, Japan, Mongolia at Chinese-Taipei ng Silangang Asya, Australia at Aotearoa New Zealand ng Oceania at dalawa pang kinatawan mula sa tinatapos na Gulf Basketball Association Qualifier sa Kuwait.
Ang apat na aabot ng semifinals ay tutuloy sa 2025 FIBA Under-19 World Cup sa Switzerland. Huling lumahok ang Pilipinas noong 2019 edisyon sa Gresya sa bisa ng pagtatapos sa pang-apat sa 2018 Under-18 Asia Cup sa Thailand, ang pinakamataas sa 36 taon.
Kampeon ang Pilipinas sa unang limang torneo mula 1970 hanggang 1978 noong ito pa ay kilala bilang Asian Basketball Confederation Youth Championship. Naagaw ng Tsina ang korona noong 1980 sa Thailand subalit nabawi ito sa kanila noong 1982 sa Araneta Coliseum at hindi na nasundan.








Comments