Germany, pumuwesto na rin sa semifinals ng FIBA
- BULGAR
- Sep 8, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 7, 2023

Patuloy ang pag-bulldozer ng Alemanya sa mga kalaban at idagdag ang Latvia sa listahan, 81-79, at makamit ang pangatlong upuan sa semifinals ng 2023 FIBA World Cup kahapon sa Mall of Asia Arena. Ang mga Aleman ang nag-iisang koponan sa torneo wala pang talo sa anim na laro at nakatakda na ang higanteng salpukan sa Team USA sa Biyernes sa parehong palaruan para mapabilang sa finals.
May pagkakataon ang Latvia matapos nagmintis si Dennis Schroder at napunta ang bola kay Davis Bertans na may 7 segundong nalalabi subalit kinapos ang kanyang malayong three-points. Nabitin ang paghabol ng Latvia mula sa 60-74 butas maaga sa fourth quarter.
Lamang lang ang Alemanya, 62-59 at bumanat ang magkapatid na Franz at Moritz Wagner at Isaac Bonga para itayo ang kanilang pinakamalaking bentahe, 74-60. Hindi basta sumuko ang Latvia at huling nagbanta, 79-81, sa buslo ni Arturs Zagars na may 33 segundo sa orasan subalit hanggang doon na lang sila.
Umani ng pansin ang Latvia sa mga nakakagulat nilang panalo laban sa mga bigating Pransiya at defending champion Espanya. Determinado sila na itapal ang unang talo sa Alemanya at tumalon sa 13-3 lamang subalit bumawi ang kalaban at dumaan ang dalawang panig sa 7 tabla at 15 pagpalit ng lamang sa unang tatlong quarter.
Bumalik sa aksiyon si Franz Wagner mula sa pilay na bukong-bukong sa una nilang laro kontra co-host Japan noong Agosto 25 at nagbagsak ng 16 puntos at 8 rebound habang ang kanyang kuya Moritz ay nag-ambag ng 12 puntos. Nagtala ng 13 mula sa tatlong tres si Andreas Obst.
Ang ika-apat at huling puwesto sa semifinals ay pinaglalabanan kagabi ng Canada at Slovenia. Ang papalarin ay makakalaro ang Serbia.








Comments