Generals at Red Spikers natakasan ang Bombers at Pirates
- BULGAR
- 13 hours ago
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports News | May 8, 2025
Photo: EAC Generals Elliza Mae Alimen - NCAA Philippines IG
Mga laro sa Biyernes (EAC Gym)
12 pm – Perpetual vs SSC-R (women)
2:30 pm – Letran vs Arellano (women)
Naiwasang mapurnada ng Emilio Aguinaldo College Lady Generals ang pinagtiyagaang panalo matapos matakasan ang masigasig na paglaban ng Jose Rizal University Lady Bombers sa 5th set sa 25-11, 27-25, 17-25, 25-27, 15-11, kasunod ng pambihirang career-high ni Elizza Mae Alimen, kahapon sa 100th NCAA women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Binanatan ng Iloilo City native ang pagkamada ng mahusay na atake sa pagtala ng 27 puntos mula sa 24 atake, para pangunahan ang 62 atake ng EAC tungo sa ika-4 na panalo at 10 pagkatalo.
Nabulilyaso ang asam ng JRU na mabaligtad ang sitwasyon nang madala sa deciding set ang laro kasunod ng 3 errors sa 5th set mula sa toss error ni Jerry Lyn Laurente.
Nagkaroon ng service error si Erica Bodonal ng EAC na nagbigay ng pagkakataon sa Lady Bombers para buhay pa ang tsansa sa laro. Subalit isang masakit na service error ang natamo ni Cherish Dayame na nagsilbing senyales ng pagkapanalo ng Lady Generals.
Sumegunda sa scoring si Bedonal sa 15 puntos sa 14 attack at 12 excellent receptions, gayundin sina Jamaica Villena sa 12 marka at Cara Dayanan sa 11 puntos.
Samantala, nagwagi pagdating sa five sets ang San Beda Lady Red Spikers laban sa Lyceum Pirates sa bisa ng 25-14, 22-25, 21-25, 25-13 at 16-14 para sa 3-2 panalo. Pinangunahan ni Janelle Bachar ang atake ng Lady Red Spikers sa itinalang game-high 22 points sa 19 attacks, 1 block, at 2 aces.
Comments