Gayuma (10)
- BULGAR
- Dec 27, 2023
- 2 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 27, 2023

“Princess….”
Natigilan siya sa pagsusuklay nang marinig niyang may tumawag sa kanya. Pamilyar sa kanya ang boses kaya naman napakunot ang kanyang noo. Hindi man niya matandaan kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon, nakasisigurado naman siyang kilala niya ito.
Nang muling tawagin nito ang kanyang pangalan, tumayo na siya. Palakas nang palakas ang pagtawag na para bang sinasabing kailangan na niya itong puntahan at harapin.
“Sino ‘yan?” Tanong niya paglabas ng kuwarto.
Walang sumagot sa kanya, pero may anino siyang nakitang tumakbo sa may hagdanan.
Sa tingin niya ay gusto nitong makipaglaro sa kanya. Ibig niyang mairita, pero naisip niyang baka isa ito sa kababata niyang dumalaw sa kanya para bumati o maaari rin namang kamag-anak, tauhan o katrabaho.
Malapit na kasi siyang maging Mrs. Monteverde, dahil noong isang linggo ay nag-propose na sa kanya si Gabriel at agad niya naman itong sinagot. Mahal na mahal niya ito kaya kahit sabihin pa ng iba na nasa rurok na siya ng tagumpay wala siyang pakialam. Mas gusto niyang makuha ang apelyido ni Gabriel kaysa sa best actress trophy at kung anu-ano pang karangalan.
May usapan din kasi sila ni Gabriel na magku-quit na siya sa showbiz kapag pumayag itong maging partner niya sa isang pelikula. May isang salita siya, kaya kailangan niya itong panindigan, at dumating na rin siya sa puntong nais na niyang baguhin ang kanyang buhay kasama ang kanyang nobyo.
“Gabriel?” Hindi siguradong tawag niya.
Naisip niyang baka fiancé niya ang nagbibiro sa kanya. Naisip niyang kahit boses babae ang kanyang narinig, maaaring nag-iba ito ng boses para lituhin siya. Samantala, may hagikgik siyang narinig sa hagdan kaya roon siya nagpunta.
“Ayan malapit na,” sabi nito.
‘Di niya alam kung bakit naisipan niyang bumaba. Siguro nga’y dahil alam niyang nandu’n ang nagbibiro sa kanya. Ngunit, paghakbang palang niya ay biglang nayanig ang kanyang mundo dahil may natapakan siyang kung ano na naging dahilan ng kanyang pagkadulas.
“Love!” Sigaw ni Gabriel, pero narinig din niyang mayroong biglang humalakhak na para bang siyang-siya sa nangyari.
Itutuloy…








Comments