Gayuma (7)
- BULGAR
- Dec 22, 2023
- 2 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 22, 2023

Ang sabi ng nanay niya ay huwag niyang gagamitin nang husto ang kanyang kapangyarihan, dahil maaari silang matunton ng kanilang mga kamag-anak.
Hindi niya alam kung bakit kailangan nilang magtago sa kanilang mga kalahi.
Hindi na rin naman niya inalam pa ang dahilan dahil wala naman siyang balak sundin ang ina.
“Nangangako ka ba?” Buong diing tanong ng kanyang ina.
“Oho,” wika niya kahit alam niyang magiging isang malaking kasinungalingan lamang iyon.
Matindi ang pag-ibig na kanyang nararamdaman para kay Gabriel, kaya handa niyang gawin ang lahat para mahalin din siya nito. Hindi niya alam kung maaari nga ba itong magkaroon ng katuparan pero nakatitiyak siyang may kakayahan siyang gawin ito.
Napahagikgik nga siya nang masampal niya ang babaeng pinakamamahal nito. Alam niyang Princess ang pangalan nito pero mas gusto niyang tukuyin ito sa pangalang ‘babaeng iyon’ dahil nabubuwisit siyang bigkasin ang pangalan nito. Hindi niya kasi talaga maatim na isa itong prinsesa.
Well, totoo naman. Para sa mga magulang nito isa itong prinsesa at maaari pa itong maging reyna kung pakakasalan nito si Gabriel.
“Siguraduhin mo, ah?!”
“Opo.”
“Kailangan mo ring isaksak sa utak mo na iba tayo sa kanila.”
Hindi man niya maintindihan kung ano’ng eksaktong ibig sabihin ng kanyang ina, binalewala na lang niya. Basta ang kailangan ay magawa ang kanyang nais, at ‘yun ay ang maagaw si Gabriel, ngunit paano?
Napangisi siya dahil may eksenang pumasok sa kanyang utak kung saan siya ay nakaupo sa sahig at napapaligiran ng mga kandilang itim. Siyempre, may sindi ang mga ito at siya naman ay may kung anu-ano’ng sinasabing ritwal. Sa pamamagitan ng mga ritwal na hindi niya maintindihan, alam niyang magkakaroon ng katuparan ito. Hindi na niya inintindi ang galit ng ina dahil mas importante ang kanyang pangarap at pag-ibig para sa kanyang Senyorito Gabriel.
Itutuloy…








Comments