Gayuma (5)
- BULGAR
- Dec 20, 2023
- 1 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 20, 2023

“Bakit?” Nag-aalalang tanong ni Gabriel sa kanya.
Malakas masyado ang sampal na naramdaman ng kanyang nobya, kaya hindi kataka-taka na naramdaman din ito ni Gabriel. Ibig pa sanang ipagkaila ni Princess ang kanyang naramdaman, pero iniharap siya ni Gabriel sabay kunot noo, at hindi niya namalayan na nakahawak na ito sa kanyang pisngi.
“Ano’ng nangyari r’yan?” Gilalas nitong tanong.
“Ha?” Gulat din niyang sabi.
Hindi niya kasi inaasahan ang reaksyon ni Gabriel. Nanlaki ang mga mata nito at para bang gulat na gulat sa kanyang nakita.
“Bakit ang pula-pula ng pisngi mo?”
“Ano?”
“Parang may sumampal sa iyo.”
“Sinampal ako ni Baninay,” gusto sana niya itong sabihin, pero hindi niya magawa. Kahit na kitang-kita niya sa kanyang isipan ang pagsampal sa kanya ni Baninay. Alam niyang hindi maniniwala ang kanyang nobyo, lalo na kung wala naman itong nakita. ‘Ika nga nila, “to see is to believe.”
“Baka allergy lang,”
Lalong lumalim ang pagkanot ng noo ni Gabriel at sabay tanong na, “paano ka magkaka-allergy, eh ‘di ka naman kumain ng hipon.”
“Hindi ko alam, wala ka naman nakitang lumapit sa akin, hindi ba?”
“Wala nga,” wika nito.
“Kaya walang nanakit sa akin.”
“Saka hindi rin ako papayag na may manakit sa’yo. Mahal na mahal kita kaya sisiguraduhin kong lagi kang safe.”
“Napaka-sweet naman”, sarkastikong sabi ng boses sa kanyang isipan.
Hindi niya kabisado ang boses ni Baninay, pero nakatitiyak si Princess na si Baninay ang babaeng nagsasalita sa kanyang isipan, at hindi niya alam kung papaano nangyari ‘yun.
“Sige, magpakaligaya ka sa piling ng mahal ko, dahil isang araw, magiging akin din siya.” Dagdag pa nito.
Itutuloy…








Comments