Gayuma (42)
- BULGAR
- Feb 4, 2024
- 1 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 4, 2024

Natigilan sa pag-iimpake si Princess nang biglang bumukas ang pinto ng kanyang silid.
Dahil sa pagbabago ng kanyang hitsura, nag-stay muna siya sa kanyang condo. Hindi rin kasi niya tiyak kung gusto nga ba siyang makasama ng kanyang magulang o baka naman masyado na itong naaalibadbaran sa kanyang mukha.
“Ano ang ibig sabihin nito?” Gulat na tanong ni Gabriel.
Saglit lang niya ito tinapunan ng tingin at sabay impake. Mahal na mahal niya si Gabriel at hindi niya alam kung hanggang kailan ito mananatili sa kanyang puso.
“Aalis na ako.”
“Iiwan mo na ako?” Hindi makapaniwalang tanong ng binata.
“Palalayain na kita, para lumigaya ka na.”
“Paano pa ‘ko liligaya, kung tuluyan mo na kong iiwan?”
“Si Glaiza ang tunay mong mahal, hindi ba?”
“At sinong nagsabi n’yan?” Manghang tanong nito.
“Hindi ba totoo?”
“Hindi! Wala akong ibang minahal, kundi ikaw lamang.”
'Yun ang salitang nais na marinig ni Princess, kaya naman gilalas siyang napatingin dito.
“Pero, si Glaiza ang mahal mo, bago kita gayumahin.”
“Sorry.”
Sa winika nito, parang nilamutak ang kanyang puso.
“Hindi mo kailangan mag-sorry. Mas malaki ang kasalanan ko sa’yo.”
“Hindi tatalab ang gayuma mo, kung wala akong pagmamahal sa’yo,” mariing sabi nito sa kanya.
Ang una tuloy niyang naisip ay gigil ito sa ginawa niyang panggagayuma, pero nang ulit-ulitin niya ang sinabi ng kanyang nobyo, namilog ang kanyang mga mata at sabay sabing, “Talaga? Mahal mo ako?”
“Yes,” sagot ng binata sabay yakap at halik sa dalaga.
Tatapusin…








Comments