Gayuma (4)
- BULGAR
- Dec 19, 2023
- 1 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 19, 2023

“Senyorito….””
Agad itong nilingon ni Princess at nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niyang tumatakbo si Baninay patungo sa direksyon ni Gabriel. Alam niyang yayakap ito sa binata, kaya agad niyang hinarang ang kanyang katawan. Maunawain siya sa mga fans, pero hindi sa mga taong gustong maki-third party sa kanila.
“Okey na,” wika niya.
“Ha?”
“Hindi mo na kailangang yakapin ang boyfriend ko,” mariin niyang sabi.
Marami na siyang nakasalamuhang babae na katulad ni Baninay, pero ibang presensiya ang nararamdaman niya rito. Ngunit, wala siyang pakialam. Mas nais niyang ipakita kung paano niya pinoprotektahan ang para sa kanya.
“Sorry,” wika nito na parang napahiya.
“Pumasok ka na sa loob, Baninay,” utos ng ina nitong si Aling Mameng.
‘Di niya alam kung bakit hindi kampante ang loob niya kay Baninay samantalang magaan naman ang loob niya sa ina nito.
“Salamat sa pag-aalala, Baninay.” Sambit naman ni Gabriel at sabay akbay sa kanyang nobya.
Gumagaan ang pakiramdam ni Princess kapag nasa paligid niya ito, kaya hindi niya napigilang yakapin ito. Mahal na mahal niya ang kanyang nobyo, kaya hindi niya gugustuhing makita itong nakayakap sa iba.
May tiwala siya kay Gabriel, pero sa ibang tao ay wala, lalo na sa mga babaeng nagkakagusto rito.
“Pumasok ka na sa kuwarto,” wika uli ni Aling Mameng.
Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Baninay. Ngunit bago ito tumalikod, binigyan niya si Princess ng matalim na tingin. ‘Yun bang parang gustong manakit.
“Aray!” Gulat na bigkas ni Princess. Wala namang tao sa kanyang harapan, pero parang may nagbigay sa kanya ng sampal na talagang nagpayanig sa kanya.
Itutuloy…








Comments