Gayuma (3)
- BULGAR
- Dec 17, 2023
- 2 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 17, 2023

“Gumising ka na, mahal ko!”
Ayaw pa sanang dumilat ni Gabriel dahil masakit na masakit pa ang kanyang ulo, pero parang may kung ano’ng klaseng kapangyarihan na tinataglay ang nagsalita kaya nagawa niya itong sundin.
“Magandang umaga,” wika ni Princess.
Lumapad ang ngiti niya nang makita niya ang babaeng mahal na mahal niya. Lumakas tuloy ang tibok ng kanyang puso. “Mas maganda ka pa sa umaga.”
Napahagikgik si Princess. Alam niyang kinilig ito. Ganu’n naman kasi talaga ito, kahit na korni ang kanyang sinasabi. Kaya naman, mahal na mahal niya ang kanyang nobya dahil nauunawaan nito ang kanyang damdamin.
“Kamusta naman ang pakiramdam mo?” Masuyong tanong nito sa kanya.
“Okey naman ako, ah. Ano bang nangyari?” Nagtataka niyang tanong.
“Bigla ka na lang hinimatay.”
“Ako?” Mangha niyang tanong.
“Kaya tiyak na kung anu-ano'ng speculation ang lalabas niyan.”
Bahagyang tawa ang kanyang pinawalan. Naalala niya ang sinabi ni Princess dati.
Mahirap mabuhay sa mundo ng showbiz dahil laging nakasubaybay sa iyo ang lahat ng tao. Konti pagkakamali, huhusgahan na agad ang pagkatao mo.
“Baka sabihin nila buntis ako.” nag-aalalang sabi ni Gabriel.
Natawa si Princess sa kanyang sinabi. Napangiti naman siya kahit kumikirot pa ang kanyang sentido. Pakiwari niya tuloy ay parang may gustong alisin sa kanyang memorya.
“Basta ba ako ang ina.”
Kinilig naman siya sa hirit nito. Damang-dama kasi niya ang pagmamahal nito. “Walang ibang magiging ina ang mga anak ko, kundi ikaw lang.”
“Aba, dapat lang. Tandaan mo, may sumpaan tayo. Ikaw at ako lang.”
Siyempre, tandang-tanda niya ang kanilang pangako para sa isa’t isa at tutuparin niya iyon. Sa tingin naman kasi niya ay walang na siyang ibang kayang mahalin kundi ang kanyang nobya lang.
Ngunit, may isang mukha na biglang nag-flash sa kanyang isipan, at 'di niya alam kung bakit. Hanggang sa bigla siyang nagtanong. “Nasaan si Baninay?”
Itutuloy…








Comments