Gayuma (20)
- BULGAR
- Jan 11, 2024
- 2 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 11, 2024

Sabi ng isip ni Gabriel, hindi si Princess ang kanyang kaharap kaya dapat lang niya itong itulak. Ngunit hindi niya ito magawa, at para bang may kung ano’ng klaseng kapangyarihang taglay ito kaya hindi niya ito magawang saktan.
“Ako ito, love.”
Bigla siyang nanigas nang marinig niya ang sinabi nito. Buong suyo nitong binigkas ang katagang “love” na parang hirap na hirap, at dinig na dinig niya ang boses ng kanyang pinakamamahal na babae na walang iba kundi si Princess.
“Iba ang mukha mo,” wika nito habang nakatitig sa kanya.
“Hindi mo ba nakikita sa mga mata ko na ako ang tunay mong mahal?” Masuyo nitong tanong sa kanya.
Hindi siya agad nakapagsalita dahil talagang si Princess nga ang nakikita niya habang nakatitig sa mga mata nito.
“Gabriel, maniwala ka sa akin.”
“Huwag kang maniwala sa kanya. Ako si Princess,”
Bigla niya itong nilingon habang naniningkit ang kanyang mga mata at sabay sabing, “napakasinungaling mo!” Gigil niyang sabi.
Bigla naman itong namutla at napaatras, hindi ito makapaniwala. Ngunit, pagkaraan ng ilang sandali ay nakabawi rin ito sa pagkabigla.
“Bakit ka maniniwala sa sinasabi niyan eh, kitang-kita mo naman kung sino ang tunay na Princess at Baninay dito.”
“Marahil nga ikaw si Princess sa paningin ko, pero hindi ikaw ang nakikita ng puso ko.”
Kahit iba ang hitsura ni Princess hindi pa rin niya ito napigilang yakapin. Mahal na mahal niya ito, kaya wala siyang pakialam kung sino ang nakikita ng kanyang mga mata.
Ang mahalaga ay ang isinisigaw ng kanyang puso.
“Ano’ng nangyari?”
“Nandito na ako sa katawan niya mula nang magising ako.”
“At magiging ganyan ka na habambuhay! Pangit, maliit, at payatot.” wika ng nagpapanggap na Princess.
“Bumalik ka na sa dati mong hitsura.” Sambit ni Gabriel.
“Bakit? Dahil hindi mo kayang sikmurain na ganyang mukha ang makita? Nandito naman ako, ako na lang ang mahalin mo.”
“No way!” Buong diin niyang sabi, at sabay yakap sa tunay na Princess, para ipakita rito na ito ang mahal niya.
“Kung ganu’n, papatayin ko na lang ang may ari ng katawan na ito!” Galit nitong sabi sabay takbo palayo sa kanila.
Itutuloy…








Comments