Gayuma (16)
- BULGAR
- Jan 7, 2024
- 2 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | January 7, 2024

Kahit ano’ng pilit ni Gabriel, hindi niya magawang maging komportable kay Princess. Para tuloy gusto niyang isipin na nagbago na ang damdamin niya para rito.
Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan nang maisip niyang napakaimposible naman nu’n. Sa tuwing tinitingnan kasi niya ang picture ni Princess, tumitibok naman ang kanyang puso, pero iba ang nararamdaman niya kapag kaharap na niya ito. Para tuloy gusto niyang isipin na magkaibang tao ang nasa larawan at ang kanyang nakakasama ngayon.
“Sweetheart, my love, honey,” wika nito.
Nasasabik na siyang marinig ang mga endearment na iyon mula sa kanyang mahal, subalit ngayong binibigkas iyon ni Princess, parang gusto niyang mangilabot at magsuka.
“Miss you.”
“Ilang oras lang tayong hindi nagkita,” wika nito.
Agad na niyakap ni Princess si Gabriel, ibig sana niyang tiisin ang yakap ni Princess dahil ayaw niyang mapahiya ito, kaya lang parang sinisilaban siya.
“Huwag mo nga akong yakapin!” Sigaw ni Gabriel
“May ginawa ba akong masama?”
“Wala, masyado lang mainit.”
Unti-unting nagkakahugis ang ngiti sa labi ni Princess at sabay sabing, “baka naman kasi nag-iinit ka. Gusto mo bang…?”
“No way!” buwisit niyang sabi.
Ang makatabi nga lang ito ay parang babaligtad na ang kanyang sikmura. Kung puwede niya nga lang itong itaboy, ginawa na sana niya.
“Eh hindi ba nagmamahalan naman tayo?” kunwa’y tanong nito.
“Tumigil ka nga,” asar niyang sabi.
Dati naman ay madalas siyang tuksuhin nito, pero katakut-takot ang pagpipigil niya na bumigay. Nang makita niya ang sakit sa mga mata nito ay bigla siyang na-guilty. “Hindi kasi tama ang panunukso mo. Hindi pa naman tayo mag-asawa.”
“Eh ‘di asawahin mo na ako. Ready na akong magpakasal sa’yo.” Nakangiting sabi ni Princess.
Gustung-gusto nang sumigaw ni Gabriel nu’ng mga oras na ‘yun at sabihing, “tigilan mo ako!”
Itutuloy…








Comments