ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | January 6, 2024
“Kailangan kong makawala rito!” Ito ang paulit-ulit na sinasabi ni Princess sa kanyang sarili, pero hindi niya alam kung paano niya ito gagawin. Kahit naman nagawa na siyang pakawalan ni Baninay, hindi pa rin siya nakasisiguro kung hanggang kailan siya tatagal sa lugar na iyon.
Sa tuwing ‘di niya nakikita si Gabriel, para bang gusto na ng kanyang puso na huminto sa pagtibok. Natigilan lang siya nang mapagtanto niyang kapag hinayaan niyang mangyari iyon, baka tuluyan lang makuha ni Baninay si Gabriel. At panigurado kapag namatay siya, hindi na siya makababalik kailanman. ‘Di niya alam kung paano niya naisip ang mga ganu’ng senaryo pero nakatitiyak siyang ‘yun ang mangyayari.
O baka naman, kaya niya naisip ang mga ganu'ng senaryo ay dahil pinangarap din naman nilang maging isang magaling na manunulat, kaya kung anu-ano’ng ideya rin ang pumapasok sa kanyang isipan.
Bigla siyang napamura dahil parang nakita niya sa kanyang isipan si Baninay na kumakaway na para bang nagpapaalam, at maya-maya ay nakita niya itong nakasuot ng gown na pangkasal.
Hindi niya alam kung bakit nga ba siya nagkaroon ng ganitong vision, pero tiyak niyang hindi niya kakayanin na dumating ang sandaling iyon. Subalit, ano’ng gawin niya para makawala rito?
Hanggang sa maalala niya na ang salita ng isip ng tao ay mas makapangyarihan. Kung ano ang isipin natin, maaari itong magkatotoo, at nang mga sandaling iyon, nakatitiyak siyang makakatakas siya rito. Ang kailangan lang niyang gawin ay mag-concentrate.
“Matatakasan kita, matatakasan kita, matatakasan kita!” Paulit-ulit niya itong binibigkas habang nakapikit.
“Ano bang ginagawa mo r’yan, ineng?” Nagtatakang tanong ng isang boses.
Bigla siyang dumilat, at nanggilalas siya nang mapagtanto niyang nasa ibang lugar na siya. Ibig sabihin ba nito ay nakatakas na siya?
Itutuloy…
Commentaires