Gayuma (14)
- BULGAR
- Jan 3, 2024
- 1 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | January 3, 2024

“Magpapalit tayo, magpapalit tayo! Ikaw ay magiging ako, samantalang ako ay magiging ikaw.” Ang mga salitang ito ang paulit-ulit na binibigkas ni Baninay.
Alam niyang darating din ang araw na magigising si Princess dahil siya rin naman ang may kagagawan noon. Pinatulog niya ang diwa ng dalaga para magawa niyang pasukin ang katawan nito. Kaya naman nang magising si Princess hindi niya maiwasan ang makaramdam ng pananabik kay Gabriel.
Matagal na niyang gustong yakapin ito, kaya naman iyon ang gusto niyang gawin ngayon. Nais din niya itong i-kiss, pero hindi niya magawa. Marahan siya nitong tinulak na para bang hindi siya gustong mayakap at mahalikan.
“Magpahinga ka muna,” wika ni Gabriel na para bang nandidiri sa kanya.
Ibig sana niyang isipin na hindi na nito mahal si Princess, kaya ganu’n na lang kung umasta ito.
Subalit, alam niya kung gaano nito kamahal ang tunay na Princess. Pakiwari tuloy niya ay nakikita nito na ibang Princess ang kanyang nasa harapan. Bahagya siyang umiling, imposible iyon dahil iisa lang naman ang mukha nila ni Princess.
Kaya nang iwanan siya nito ay wala siyang nagawa. Kailangan pa siguro niyang galingan ang kanyang pag-arte para makumbinsi si Gabriel na siya si Princess.
Pagkaraan ay napabangon siya. Kailangan niyang mapaibig nang husto ang binata para maging kanya na ito habambuhay. Maganda at seksi na siya kaya kinakailangan niyang gamitin ito para maangkin na niya ang kanyang pinakamamahal.
Itutuloy…








Comments