Gameir Winner wagi sa 3-YO Turf
- BULGAR
- Jan 30, 2024
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | Enero 30, 2024
Makapigil-hiningang bakbakan ang napanood ng mga karerista matapos manalo ni Gameir Winner sa 3-Year-old Maiden na nilarga noong Linggo sa Metro turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Nagmasid sa segundo puwesto si Gameir Winner, humarurot ang matulin sa largahan na si Feet Bell para hawakan ang bandera, habang nasa tersero-puwesto si Sunshine Jeune.
Mabilis ang pacing ni Feet Bell dahil tinutukan siya ni Gameir Winner kaya naman hindi sila nadikitan ng kanilang mga katunggali sa kalagitnaan ng karera at lalo pang lumayo.
Mas uminit ang aksyon sa unahan, bakbakang umaatikabo ang Feet Bell at Gameir Winner pagpasok ng huling kurbada kung saan ay lamang pa ng isang kabayo ang una.
Naglabas ng latigo si Mark Angelo Alvarez upang hatawin ang sinasakyan nitong Feet Bell sa rektahan.
Hindi naman nagpadaig si former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, pinitik din nito ng latigo ang Gameir Winner kaya naman bigla itong umigkas upang ungusan si Feet Bell at tawirin ang meta ng may isang kabayo ang agwat.
Inilista ng Gameir Winner ang tiyempong 1:28.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang sikwatin ang P22,000 added prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Segundo ang Feet Bell, tersero ang American Ford habang pang-apat ang Sunshine Jeune.
Naibulsa ng breeder ng winning horse owner ang P4,500 habang tig-P1,000 at P500 ang second at third ayon sa pagkakasunod.








Comments