Galit, poot at hinanakit, buhay ng biktima ang naging kapalit
- BULGAR

- Jul 25, 2025
- 7 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | July 25, 2025
ISSUE #360
Ang bawat isa sa atin marahil ay nangangarap pa, o kaya naman ay nakamtan na ang pinapangarap na magkaroon ng maituturing na ating sariling tahanan. Tahanan na magsisilbing kanlungan, lalo na sa mga panahon na pagod sa paghahanapbuhay ang ating mga katawan at isipan.
Si Benjamin ay isa sa mga nangarap na makapagpatayo ng kanyang tahanan. Subalit, sa pagsasakatuparan niya ng nasabing pangarap, buhay naman niya ang naging kapalit sa isang iglap.
Si alyas “XXX” ang isa sa mga pinaratangan na kumitil sa buhay ni Benjamin. Makalipas ang ilang mga taon, nakamit kaya ng kaluluwa ni Benjamin ang hustisya? O ginawaran ba si XXX ng hukuman ng pagpapalaya?
Sama-sama nating alamin ang kanilang naging legal na kapalaran sa aming pagbabahagi sa kasong People of the Philippines vs XXX (CA–G.R. CR-HC No. 15096, May 27, 2022), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Ruben Reynaldo G. Roxas (Tenth Division).
Paratang na murder alinsunod sa Artikulo 248 ng ating Revised Penal Code ang inihain laban kina alyas “Manny,” “XXX,” “Wero,” at “Alberto.” Silang apat diumano ay nagtulungan upang salakayin, barilin, at saksakin si Benjamin noong gabi ng ika-5 ng Agosto 2009, sa isang barangay sa Masbate City.
Ang mga tinamong malulubhang tama ni Benjamin ang naging sanhi umano ng kanyang kagyat na pagpanaw.
Sina Wero at Alberto, ang naunang naaresto. “Not guilty” ang kanilang naging pagsamo sa Regional Trial Court ng Masbate City (RTC).
Samantala, isang nagngangalang Edgar ang tumayo bilang natatanging saksi para sa panig ng tagausig. Matapos maiprisinta ng tagausig ang kanilang ebidensya, agad na naghain ang depensa nang may pahintulot ng hukuman ng Demurrer to Evidence. Kanilang iginiit na hindi sapat ang ebidensya laban sa dalawang nasasakdal.
Ika-24 ng Oktubre 2011, nang maglabas ng kautusan ang RTC na ibinasura ang kaso laban kina Wero at Alberto. Bagaman sila ay napawalang-sala, ipinag-utos pa rin ng RTC ang pagpapalabas ng Warrant of Arrest laban kina Manny at XXX.
Ika-10 ng Disyembre 2015, nang masakote o mahuli si XXX. “Not guilty” rin ang kanyang naging pagsamo sa mababang hukuman.
Sa pre-trial na ginanap noong ika-2 ng Mayo 2017, nagkasundo ang tagausig at depensa sa pagkakakilanlan ni XXX, bilang pinaparatangang pumaslang kay Benjamin. Pinagtibay ng tagausig ang mga ebidensyang kanilang ipinrisinta noong nilitis sina Wero at Alberto, kabilang na ang testimonya ni Edgar.
Ginamit naman ng depensa ang testimonya ni Edgar bilang ebidensya noong sumailalim ito sa cross-examination sa paglilitis kina Wero at Alberto.
Muling naghain ang depensa ng Demurrer to Evidence, subalit sa pagkakataong ito, hindi ito ipinagkaloob ng mababang hukuman. Kung kaya’t ipinrisinta si XXX sa hukuman bilang natatanging saksi para sa depensa.
Batay sa bersyon ng tagausig, kasama ng saksi na si Edgar ang kanyang kapatid na si Alejandro, at bayaw na si Elvis sa kubo na matatagpuan sa isang barangay sa Masbate City, bandang alas-8:00 ng gabi, noong ika-5 ng Agosto 2009, sila ay naghihintay diumano sa pagdating ng ilang mangingisda. Bago umano umalis si Edgar, pinagbilinan niya si Alejandro na mag-ingat, sapagkat nasa kanilang baryo ang grupo nina Manny, Wero, Alberto, at XXX.
Sa pagbalik ni Edgar, nakita niya na binabaril diumano ng naturang grupo si Alejandro. Nakatakbo at nakatakas umano ang kanyang kapatid, habang siya naman ay nakapagtago sa likod ng isang punong bayabas na natatabunan ng mga palumpon.
Habang nandu’n, nakita umano ni Edgar na nakasalubong ng nasabing grupo si Benjamin. Pagkaturo umano ni Alberto kay Benjamin ay siya namang pagputok ng baril ni Manny, na tumama sa tagiliran ni Benjamin. Napahiga umano sa lupa si Benjamin, at tinaga umano ni Wero si Benjamin, habang sinaksak naman ni XXX nang makailang ulit ang naturang biktima. Matapos ay agad din umanong tumalilis ang nasabing grupo.
Ayon sa testimonya ni Edgar, namukhaan niya ang mga salarin, sapagkat maliwanag at kabilugan diumano ng buwan noong gabi ng insidente.
Kilala niya rin diumano ang mga salarin, sapagkat minamataan na umano ng mga ito si Benjamin bago pa man ang insidente.
Meron diumanong pagkakataon na lasing si XXX, at makailang ulit nitong sinabi na kanyang papatayin si Benjamin.
Ang pagkapoot na iyon ay bunsod diumano ng pagpapatayo ni Benjamin ng bahay malapit sa bahay ni XXX. Diumano, nakailang ulit na nagbabala si XXX na siya ay kontra sa pagpapatayo ni Benjamin, subalit itinuloy pa rin ito ni Benjamin.
Marubdob naman na pagtanggi sa mga paratang laban sa kanya ang iginiit ni XXX.
Aniya, wala siyang kinalaman sa pamamaslang kay Benjamin. Siya umano ay nasa bahay ng kanyang kapatid sa isang bayan sa Masbate City noong gabi ng insidente.
Asawa rin diumano ng kanyang hipag si Benjamin. Hindi niya umano mawari kung bakit siya ang idinidiin sa pamamaslang, sapagkat wala umano silang hindi pagkakaintindihan ni Benjamin, gayundin ng asawa nito.
Matapos ang halos limang taon mula nang maaresto si XXX, nagbaba ng desisyon ang RTC na hinahatulan siya ng “Guilty beyond reasonable doubt” para sa krimeng murder.
Parusa na reclusion perpetua ang ipinataw sa kanya, kaakibat ng pagbabayad-pinsala at danyos sa mga naulila ni Benjamin. Ipinag-utos din ng RTC ang pag-archive ng kaso, at ang pagpapalabas ng warrant laban kay Manny.
Agad na inapela ni XXX ang naturang hatol ng RTC. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan R.O. Roxas mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS), iginiit ng depensa ang pagkukulang ng tagausig sa pagpatunay na sangkot si XXX sa naganap na pamamaslang kay Benjamin.
Matapos ang masinsinan at mabusising pag-aaral sa nasabing apela, sumang-ayon ang Court of Appeals (CA) Manila na merong kriminal na responsibilidad si XXX sa pagkakapaslang kay Benjamin.
Sumapat para sa CA Manila ang testimonya ng natatanging saksi ng tagausig na si Edgar. Positibo umano na napatunayan ni Edgar ang pagkakakilanlan ni XXX, bilang salarin na sumaksak sa biktima hanggang sa kamatayan nito. Binigyang-halaga rin ng CA Manila, ang hindi pagtanggi ni XXX na siya ang taong pinaratangan sa pamamaslang sa biktima.
Sa katunayan, itinakda pa nga umano sa pre-trial ang kanyang pagkakakilanlan. Bagaman meron umanong pagkakasalungat sa testimonya ni Edgar, para sa CA Manila, maliliit na detalye lamang ang mga ito na ukol sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, at hindi nakakaapekto sa mismong akto ng pamamaslang o sa pagpapatunay ng mga elemento ng krimen.
Binigyang-linaw din ng hukuman ng mga apela na walang katotohanan ang alegasyon na hindi nabigyan ng pagkakataon si XXX na ma-cross-examine si Edgar, sapagkat hindi umano tumutol ang depensa nang pagtibayin ng tagausig ang mga ebidensya na ipinrisinta nito sa naging paglilitis kina Wero at Alberto. Gayundin, ang pagpapatibay ng depensa sa testimonya ni Edgar nang i-cross-examine ito sa paglilitis ng kaso noon nina Wero at Alberto.
Ipinaliwanag pa ng CA Manila, na merong posibilidad na mahatulang maysala ang isang akusado gayung napawalang-sala ang mga pinaratangan na kanyang mga kasabwat o co-conspirators.
Tulad na lamang umano sa kaso ng grupo nina XXX, bagaman hindi sumapat ang naging testimonya ni Edgar na maiugnay at maisangkot sina Wero at Alberto sa pamamaslang kay Benjamin, malinaw at tiyak naman umano ang naging testimonya ni Edgar ukol sa ginawang pananaksak ni XXX na nagdala sa kamatayan ng biktima.
Maliban din sa tiyak na pagkilala ni Edgar kay XXX, bago pa man mangyari ang malagim na insidente, napatotohanan din diumano ng post mortem findings ni Dr. Manalo ang testimonya ni Edgar.
Hindi rin naisantabi ng hukuman ng mga apela ang katotohanan na anim na taong nawala si XXX mula nang mangyari ang insidente ng pananalakay at pamamaslang.
Para sa appellate court, ang pagtalilis ng inakusahan, nang walang sapat na dahilan, ay isa umanong sapat na ebidensya na nagpapahiwatig ng kanyang kasalanan.
Hindi rin umano sumapat sa hukuman ng mga apela ang pagdadahilan ni XXX, na siya ay nasa bahay ng kanyang kapatid nang mangyari ang insidente. Wala umanong katibayan ng pisikal na pagkaimposible na naroon siya sa pinangyarihan ng insidente, sapagkat ang lugar kung nasaan ang bahay ng kanyang kapatid, at ang lugar kung saan naganap ang insidente ay nasa parehong siyudad lamang.
Wala rin umanong nakita ang hukuman ng mga apela na masamang motibo sa parte ni Edgar upang magsinungaling sa pagsaksi laban kay XXX.
Kung kaya’t, para umano sa CA Manila, sa pagitan ng walang pasubali na testimonya ng saksi at pagtanggi o alibi lamang ng inakusahan, higit na kinatigan ng hukuman ang nauna.
Gayunpaman, binigyang-linaw ng CA Manila, na hindi umano napatunayan ng tagausig ang lahat ng mga elemento ng krimeng murder, partikular na ang mga qualifying circumstances na treachery, cruelty at evident premeditation. Hindi umano napatunayan na sadyang gumamit ng pamamaraan ang inakusahan na makakasiguro sa pamamaslang sa biktima nang walang panganib sa kanyang sarili. Ganundin, hindi umano naitaguyod ng tagausig na merong tahasang pagmamalupit, pamamaraan na nagpakita ng pagkatuwa na makita ang paunti-unti na paghihirap ng biktima, o ang paggamit ng inakusahan ng hindi kinakailangan na pisikal o moral na pananakit sa pagsasakatuparan ng pamamaslang.
Wala rin umanong sapat na ebidensya na merong malinaw na paghahanda sa parte ng inakusahan na paslangin ang biktima. Bagaman meron umano na mga nasambit noon si XXX, na masasamang pananalita bilang pagpapahayag ng kanyang galit, poot at hinanakit, para sa hukuman ng mga apela, hindi umano ito sapat na patunay na nagkaroon ng pagpaplano o paunang paghahanda ang inakusahan sa pamamaslang.
Naging kapuna-puna rin umano sa hukuman ng mga apela na, batay sa testimonya ni Edgar, hindi si Benjamin ang pangunahing pakay sa pananalakay ng naturang grupo. Bagkus, ang kapatid ni Edgar na si Alejandro, ang unang sinalakay ng nasabing grupo noong gabi ng insidente.
Kung kaya’t, ayon sa CA Manila, ang kriminal na responsibilidad ni XXX ay para sa krimen na homicide, alinsunod sa Artikulo 249 ng ating Revised Penal Code:
“Article 249. Homicide. — Any person who, not falling within the provisions of Article 246, shall kill another without the attendance of any of the circumstances enumerated in the next preceding article, shall be deemed guilty of homicide and be punished by reclusion temporal.”
Parusa na indeterminate sentence na pagkakakulong ng 8 taon at isang araw na prision mayor, bilang minimum, hanggang 14 na taon, 8 buwan, at isang araw na reclusion temporal, bilang maximum, ang ipinataw kay XXX.
Pagbabayad-pinsala sa halagang P50,000.00, moral damages sa halagang P50,000.00, exemplary damages sa halagang P50,000.00, at temperate damages sa halagang P50,000.00, ang kinakailangan niyang bayaran sa mga naulila ni Benjamin, na merong pataw na karagdagan na 6% interes bawat taon, mula sa petsa na naging pinal ang nasabing hatol hanggang sa mabayaran ni XXX ang kabuuang halaga ng mga ito.
Ang nabanggit na desisyon ng CA Manila ay hindi na inapela pa ni XXX.
Ang kanyang kaso ay nagwakas alinsunod sa Entry of Judgment na may petsa ika-29 ng Nobyembre 2022.
Poot, galit at hinanakit, ang nagdala kay Benjamin sa kanyang huling hantungan. Napakaraming taon din ang hinintay ng kanyang kaluluwa na makamit ang katarungan.
Sa pagwawakas ng kaso ng isa sa mga sinasabi na sumalakay sa kanya, nawa ay kapayapaan na rin sa kabilang buhay ang maging dala.
Magsilbi na rin sanang paalala ang kaso na ito na sa bawat desisyon na gagawin natin sa ating buhay, nawa ay lagi nating isipin kung ano ang kapalaran na sa atin ay naghihintay. Huwag natin hayaan na mauwi sa kapahamakan, higit lalo sa pangungulungan ang poot, galit at hinanakit na ating nararamdaman.






Comments