Forever lockdown, ‘di solusyon sa pandemya
@Editorial | October 2, 2021
Pinalawig pa ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 response nang dalawang linggo o hanggang Oktubre 15 ang Alert Level 4 na ipinatutupad sa Metro Manila.
Kasabay nito, pinayagan na rin ang pagbubukas ng fitness studios at gyms, bagama’t limitado lang sa 20% capacity at para lang sa bakunado.
Inaprubahan din ang pagtataas sa kapasidad para sa dine-in services gayundin sa personal care services para sa fully vaccinated.
Layon ng alert level system na tulungan ang mga negosyo na makapagbukas na. Kasabay nito, ang pagpapatupad ng granular lockdown.
Sa kabila ng bahagyang pagluluwag sa pamamagitan ng pagbubukas at dagdag-kapasidad sa mga establisimyento, patuloy ang paalala na dapat pa ring maging mas maingat.
Samantala, muli namang iginiit ng National Economic and Development Authority (NEDA) na hindi solusyon ang pagpapairal ng mga lockdown sa patuloy na kinahaharap na pandemya.
Dumami umano ang mga walang trabaho, nagugutom, nagkakasakit at namamatay sa ibang karamdaman.
Sa totoo lang, dapat na tayong matuto na mamuhay sa ganitong sitwasyon. Hindi na aalis ang COVID-19, kailangan na nating makipagsabayan.
Ipatupad at sundin ang minimum health standards at tutukan ang mga strategy, lalo na sa mga highest risks areas.
Kailangan na nating maghanapbuhay at ibangon ang ating ekonomiya, alang-alang din sa kinabukasan ng ating mga anak.



Comments