Foreigner BF, todo-bantang ikakalat ang sex video
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |November 20, 2021
Dear Sister Isabel,
Isa ako sa maraming sumusubaybay sa kolum n’yo. Akala ko ay hanggang tagasubaybay na lang ako pero hindi pala dahil kamakailan ay nagkaroon ako ng mabigat na problema. May ka-chat akong foreigner sa Facebook at naging malalim ang pakikipag-chat ko sa kanya hanggang dumating sa puntong nagvi-videocall na kami at nahulog na ang loob ko sa kanya, kaya naging mag-on kami. Humantong din sa point na ipinapakita namin sa isa’t isa ang maseselang bahagi ng aming katawan at nage-enjoy kami.
Dumating siya rito sa Pilipinas, nagkita at nagtalik kami, pero hindi ko alam na nire-record niya ang nangyari sa amin dahil may hidden camera siya sa hotel kung saan kami pumunta.
Dahil du’n, lumabas ang tunay na kulay niya at hinihingan ako ng malaking halaga.
Kung hindi raw ako magbibigay, ipapakalat niya ang video namin. Nataranta ako at hindi ko malaman ang gagawin dahil hindi ko kailanman naisip na ganu’n ang balak niya sa akin.
Buong akala ko ay magpo-propose na siya pero hindi pala. Isa pa, malaking kahihiyan kung kakalat ang video na ‘yun at pati ang pamilya ko ay malalagay sa kahihiyan.
Wala rin akong pera na ibibigay sa kanya para hindi niya gawin ang banta niya. Tulungan mo ako dahil hindi ko alam ang gagawin. Hanggang ngayon ay walang kamalay-malay ang pamilya ko sa nangyayari sa akin.
Nandito pa rin ‘yung BF ko dahil nangako ako na gagawa ng paraan upang ibigay ang malaking halaga na hinihingi niya. Ano ang dapat kong gawin? Sana ay mabigyan n’yo ako ng payo para sa kalutasan ng problema ko.
Nagpapasalamat,
Maricel ng Olongapo
Sa iyo, Maricel,
Makabubuting isuplong mo na sa kinauukulan ang boyfriend mo na nangingikil sa iyo hangga’t nandito pa siya sa Pilipinas. Ihanda mo na ang iyong kalooban na malaman ng mga magulang mo ang iyong problema. Ang mahalaga ay mabigyan ng leksiyon ang lalaking nakilala mo lang sa social media at hindi na rin siya makapambiktima pa ng iba.
Pumunta ka na agad sa National Bureau of Investigation (NBI) at isuplong mo siya hanggang nandito pa siya. Nawa ay magsilbing aral sa iyo ang karanasang ito na huwag basta-bastang papatol sa foreigner. Gamitin mo ang iyong isipan kapag makikipagrelasyon ka, maging siya man ay foreigner o Pinoy. Umaasa ako na hindi ka na muling magiging biktima ng mga foreigner na sinasamantala ang pagiging malambot ng loob ng mga Filipina, bukod sa magaganda at mapagmahal pa.
Sumasaiyo,
Sister Isabel Del Mundo




Comments