top of page
Search
  • BULGAR

Foreigner bf, makakatuluyan at magkaka-anak kahit 38-anyos na

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 14, 2022


Dear Maestro,


Ako ay 38-anyos na, natutuwa ako dahil sa wakas ay natagpuan ko na ang lalaking makakasama at mamahalin ako nang panghabambuhay. May boyfriend ako at siya ay isang Australiano at isinilang siya noong April 16, 1976.


Tulad ko, nangangarap din siyang magka-baby na kami kung sakaling magbabakasyon siya rito sa Pilipinas. Gayunman, sa kabila ng pagmamahalan namin, hindi ko maunawaan kung bakit may takot at pag-aalala pa rin sa puso ko.


Sa palagay n’yo, Maestro, sa edad kong ito, makaka-baby pa ba ako? Kung sakaling magkakaanak kami, magiging normal ba ang kalagayan ng bata?


Madalas ding sabihin ng boyfriend ko na sa malapit na hinaharap ay magkikita na kami, tutuparin ba niya ang kanyang pangako?


Ano’ng masasabi n’yo sa birthday namin, kami na ba ang magkakatuluyan at compatible ba kami? December 17, 1983 ang birthday ko at April 16, 1976 naman ang birthday ng boyfriend ko.


Umaasa,

Marichu ng Balayong, Bauan, Batangas



Dear Marichu,


Sadyang compatible ang zodiac sign n’yong Aries at Sagittarius, sapagkat ang inyong mga zodiac sign ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong fire o apoy.


Habang sa Numerology, ang birth date mong 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) ay tugma sa birth date niyang 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7). Ang pagsasama ng strong number mong 8 at weak number niyang 7 ay balanse at masasabing compatible sa isa’t isa. Ibig sabihin, dahil tugma kayo sa Numero-Astrology na pag-aanalisa, sa kanyang pagdating sa bansa, kayo na ang magkakatuluyan at magsasama habambuhay.


Ang pag-aanalisa namang makakapag-asawa ka ng banyaga at makakarating sa ibayong-dagat ay kinumpirma ng iyong sulat kamay na matutulis at may magugulong hugis, na pang-foreign na handwriting. Gayundin, ang destiny number mong 5 (ang December 17, 1983 ay kinokompyut ng, 12+17+1983=2012/ 20+12=32/ 3+2=5), kung saan karamihan sa mga taong nagtataglay ng numerong 5, bukod sa nakakapag-abroad, nakakapag-asawa rin sila ng foreigner o indibidwal na palaging nangingibang-bansa.


Hinggil naman sa kinakatakutan mo sa edad na 38, kung magkakaanak ka pa at kung normal ba ang magiging anak mo, hindi n’yo naitatanong, si Maestro Honorio Ong ay “menopause baby”, dahil 45-anyos na ang aking Inang Talia nang ako ay kanyang isinilang bilang bunso sa 10 magkakapatid.


Ibig sabihin, kung 38 ka pa lang ngayon, siguradong magiging malusog at matalino pa ang iyong magiging anak, hangga’t dinadatnan ka pa rin ng buwanan mong dalaw. Dahil tulad ng naipaliwanag na sa itaas, basta’t hindi ka pa menopause, tiyak na magkaka-baby ka at ang batang ito ay tiyak na magiging malusog at matalino. Tinatayang mangyayari ito sa taong 2023 o 2024, kung saan isang malusog na babaeng sanggol ang isisilang, na siyang kukumpleto sa masarap at panghabambuhay n’yong pagmamahalan ng iyong boyfriend at soon to be husband mong Australiano.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page