top of page
Search
BULGAR

FORECAST 2025: SNAKE, TIYAK NA SUSUWERTEHIN SA CAREER AT NEGOSYO

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Jan. 14, 2025




Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal signs ngayong 2025 o Year of the Snake.


Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025.


Pagdating sa larangan ng career at negosyo, tiyak na uunlad talaga ang buhay ng Ahas at maraming oportunidad ng pagkakaperahan at dagdag na pagkakakitaan ang darating sa kanilang buhay ngayong 2025. 


Kaya lang, kahit na sangkaterba pang magagandang kapalaran ang dumating sa Ahas, hinggil sa salapi o materyal na bagay, kung hindi naman sila matututong magtipid at magsinop ng kabuhayan, hindi rin sila yayaman at uunlad.


Kaya ang pinakamagandang dapat gawin ng Ahas o Snake ngayong 2025, kapag napapansin nilang maraming grasya at mga biyayang dumarating sa kanilang buhay, mas maganda kung sasanayin na nila ang kanilang sarili na magsinop, magtipid, o mag-ipon, nang sa gayun ay mas madaling dumami nang dumami at sumagana pa lalo ang kanilang kabuhayan hanggang unti-unti na silang yumaman ngayong taon. 





Kaya simula sa araw na ito, abangan n’yo na ang mga biyayang darating sa iyo at ‘wag n’yo agad ito gagastusin. Sa halip, utakan n’yo ang inyong sarili na maging matipid at mahigpit sa pera – sa ganyang paraan, paglipas ng ilang pang mga kumpol na taon, masasabi n’yo ring tama si Maestro Honorio Ong, kaya kayo umunlad at yumaman, bilang isang Snake ay dahil ginamit n’yo ang karisma sa pagkakaperahan at nang magkapera kayo, minahal n’yo naman ang bawat salaping nahahawakan n’yo. Kaya heto kayo ngayon, maunlad na ang buhay at napakayaman.


Samantala, ayon sa pag-ibig at pakikipagrelasyon naman, sinasabing ang Ahas ay napakaraming “secret” o lihim na itinatago sa kanilang sarili. 


Bakit kaya mahilig silang magtago ng lihim? Pero sa totoo lang, likas lang silang misteryoso at misteryosa. 


Misteryoso ang kanilang inner self, higit lalo na pagdating sa love, sex at romansa. Nangyaring ganu’n, dahil bukod tangi sila sa 12 animal signs na may kakaibang karisma at pang-akit, lalo na sa ka-opposite sex. 


Ibig sabihin, kung isa kang babae na Ahas, kaya mo rin akitin ang isang lalaki kahit gaano pa siya kasuplado. Subalit, kung isang lalaking Ahas ka naman, kahit hindi mo sila akitin, kusa silang nagkakagusto sa iyo, dahil lutang na lutang ang kakaibang hiwaga ng iyong pagkalalaki at kung minsan pa nga, kahit kapwa mo lalaki o babae ay nabibighani rin sa taglay mong kakaibang inner personality magnetism na napakahirap i-explain o ipaliwanag kung bakit ka nagtataglay nito.


Kaya sa madaling salita, kapag pinatos o pinatulan lahat ng isang Ahas ang mga taong nakakasalamuha nila, walang duda, ang isang Ahas maging lalaki man o babae ay tiyak na makakarami ng relasyon.    


Pinagpala kasi ang mga Snake ng kakaibang kaguwapuhan at kagandahang wala sa ibang animal sign. 


Sa katunayan, hindi naman tama ang salitang “guwapo at kagandahan” bagkus ang saktong salita ay sobrang lakas talaga ng kanilang sex appeal. 

Itutuloy….


 

MGA TRABAHONG MAGPAPAYAMAN SA AHAS NGAYONG 2025

Jan. 13, 2025



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal signs ngayong 2025 o Year of the Snake.


Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025.


Pagdating naman sa larangan ng negosyo o career, tiyak na aangat ang kita at financial aspect ng Snake o Ahas ngayong 2025.


At dahil nga malakas ang kanilang karisma, puwedeng-puwede sa kanila ang mga gawaing may kaugnayan sa pag-aahente at pagbebenta ng mga malaking ari-arian, tulad ng sales representative, stock market or stock trading at iba pang kauri ng gawaing nabanggit. 


Ganundin, angkop din sa kanila ang PR firm, lalo na sa panahong ito na nalalapit na ang period of local and national election, na tiyak na magdadala sa kanila ng limpak-limpak at malalaking halaga ngayong taon.


Sa kabilang banda, sinasabi ring kapag ang isang Ahas ay nagtagumpay sa career o sabihin na nating bahagyang dumami ang kanilang pera, hindi nila maawat ang kanilang sarili na magpakaluho sa buhay, dahil nga kaakibat din ng kapalaran nila ang salitang “extravagance at over spending”. Dahil likas sa kaibuturan ng kanilang puso ang magpasarap sa mga natamo nilang biyaya at tagumpay. 





Ang problema nga lamang na dapat iwasan ng Snake ngayong taon ay ang ugaling magastos, dahil sa pagiging magastos paniguradong mauubos na lahat ng iyong kinita.


Gusto kasi ng isang Ahas ang masasarap, katulad ng masarap sa panlasa, kaya mahilig sila sa masasarap na ulam at masarap na pagkain. Ganundin ang mga bagay na masarap tingnan, kaya mahilig din sila sa magagandang mga pandekorasyon, tulad ng alahas at iba pang burloloy sa katawan.


Sa bandang huli, kapag naluma na ang isang bahay na maganda noon ay nagiging kalat na lang sa bahay, kaya ipamimigay o itatapon na lang nila ito ng walang habas.


Bukod sa masarap na panlasa at masarap tingnan ng mga mata, weakness din ng mga Ahas ang mga musikang masarap pakinggan, lalo na ‘yung mga musika na nakakainlab.


Kaya naman, sinasabing ang isang Ahas ay madaling mainlab, sa mga bagay na pumupukaw sa kanilang puso, kaluluwa at pagnanasa. 


Kaya ang nangyayari minsan, kahit na masyadong nagiging maluho ang kanilang buhay, hindi nila napapansin ‘yun, sapagkat para sa kanila, ang masarap at maganda ay ang tanging bagay na ikaliligaya ng kanilang puso, kaluluwa at siyempre pa ang nagpapasiklot sa kanilang libog o libido.


At dahil gusto nila ang masasarap na bagay, masasabi ring ang isang Ahas ay bukod sa masarap silang magmahal, masarap din silang sexual partner.

Itutuloy…


 

MGA DAPAT GAWIN NG AHAS PARA YUMAMAN NGAYONG 2025

Jan. 12, 2025



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal signs ngayong 2025 o Year of the Snake.


Nitong nakaraang araw ay sinimulan na natin talakayin ang animal sign na Snake o Ahas, na siyang mga isinilang noong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025. 


Ayon sa Chinese Elemental Astrology, ang taong 2025 ay taon ng animal sign na Snake na magsisimulang umiral sa saktong petsang January 29, 2025 hanggang February 16, 2026.


Kung saan, noong nakaraang araw ay nabanggit na ang mga pangunahing katangian ng Ahas, tulad ng love, beauty, money, romance, luxury, passion, sex and art.


Dagdag dito, kilala rin ang Ahas sa pagiging tuso, matalino, praktikal at tahimik, gayunman, siya ay sobrang likas na mapang-akit.


Kaya naman, kahit umiwas pa ang Snake o Ahas sa lipunan at kaibigan, hindi pa rin siya makakaiwas, dahil sa ayaw at sa gusto niya, pupuntahan at pupuntahan pa rin siya ng kanyang mga kaibigan upang yayaing mamasyal.





Sa totoo lang, bukod sa mapang-akit at matalino, masaya at masarap ding kasama ang Ahas na pumupulupot kahit kanino at kahit saan. Iyon nga lang, sa sandaling nalibang ang Ahas sa pulos barkada at paglalakwatsa – tiyak na masasayang lamang ang magandang pagkakataon na may kaugnayan sa salapi, career, kabuhayan at investment na ipagkakaloob sa kanya ng langit ngayong 2025.


May babala rin na kapag puro barkada ang inatupad nila, maaari silang makapag-asawa, mabuntis o makabuntis agad.


Kaya ang mabuting gawin ng isang Ahas sa sarili niyang taon ay husayan at galingan pa niya ang pagbalanse ng kanyang oras.


Kumbaga, ‘di niya dapat ubusin ang mahahalagang panahon ngayong taon, lalo na’t wala namang maitutulong ang mga barkada sa pag-asenso ng kanyang buhay. 


Sapagkat tulad ng nasabi na, ang panahon kasing ito ay dapat ma-realize ng Snake na ngayon, ang pinakasuwetong panahon upang lalo pa niyang paunlarin ang kanyang kabuhayan, sa pamamagitan ng pag-iipon upang maranasan na niya ang magkaroon ng maraming salapi, ari-arian at materyal na mga bagay hanggang sa siya’y tuluyang yumaman.


Kaya bukod sa likas na ugaling mapang-akit at lapitin, dapat pairalin ng Ahas sa panahong ito ng kanyang buhay ang pangunahin niyang ugali na maging magaling at matalino sa pagdedesisyon. Kapag umiral ang pagiging matalino at praktikal – walang duda, ang Snake ay tuluy-tuloy na ngang uunlad at aangat hanggang sa maramdaman na rin niya ang dahan-dahan at unti-unting pagyaman.


Itutuloy….

 

MGA PANGIT, GAGANDA NGAYONG YEAR OF THE SNAKE — MAESTRO

Jan. 9, 2025


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2025 o Year of the Snake.


Ang tatalakayin natin ngayon ay ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs.


Dahil Year of the Green Wood Snake ang taong ito, magsisimula tayo ng ating diskusyon sa animal sign na Snake o Ahas.


Kung ikaw ay isinilang sa taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025 – ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Snake o Ahas na magsisimulang umiral sa saktong petsa ng January 29, 2025 hanggang February 16, 2026.





Kung tatanungin ang Western Astrology, ang Snake at Ahas ay siya ring zodiac sign ng Taurus na may ruling planet na Venus at ang pangunahing katangian ng Venus ay love, beauty, money, romance, luxury, passion, sex and art.


Kaya naman, ang nasabing mga pangunahing katangian ng Ahas ay sadya namang iiral ngayong 2025, lalo na’t ang Snake ay kumakatawan sa beauty at love. Kaya tiyak na marami ang naiinlab ngayong 2025, ganundin ‘yung mga dating pangit na babae ay tiyak na gaganda at mas lalo pa silang dadami, hindi lamang magandang nilalang, kundi magagandang bagay rin ang kusang mauuso, dadagsa at malilikha ngayong 2025.


Ang Snake o Ahas ay kumakatawan din sa luxury at money. Ibig sabihin, pagbungad na pagbungad pa lang ng taong 2025, maraming mga oportunidad na may kaugnayan sa mga bagay na pagkakaperahan ang mabubuksan, iaalok at kusang darating.


Kaya kung ang lahat ng oportunidad ng pagkakaperahan sa taong ito ay susunggaban mo nang mabilis at pagkatapos ay itatabi o itatago mo ang lahat ng perang makakabig mo, makikita at mararamdaman mo – ito ang magdadala sa iyo sa pagyaman.


Subalit, dapat mo pa ring isaalang-alang na bukod sa pera o salapi, ang animal sign na Snake ay kumakatawan din sa luxury. Ibig sabihin, maaaring ‘yung mga perang kikitain mo, kapag hindi mo iningatan ay maaari mong mapambili ng mga luxuries o mga hindi mo naman masyadong kailangan na mga bagay – tulad ng mga high-tech na gadgets, luho sa katawan at masasarap na pagkain na wala namang gaanong sustansya. Ang posibleng mangyayari ay sa halip na ipunin mo ang ipon at pera mo, ilulustay mo ito ngayong 2025. 


Kaya ang posibleng mangyari sa career, kapalaran at magaganda mong oportunidad, imbes na maging daan ito para yumaman ka o para maging financially stable ka ay magiging daan o sanhi pa ito para malugi, mabaon sa utang at magkaroon ka ng maraming mga obligasyon na kakailanganin mong sustentuhan ngayong taon – ‘yun bang kahit wala ka na, mine-maintain mo pa rin ang iyong mga luho hanggang sa magkandalugi-lugi at mabaon ka na sa mga pagkakautang.


Kaya upang magtagumpay at maging maligaya ang buong taon mo, dapat kang mag-ingat sa paglalabas o paggastos ng pera para maging malaki at dambuhalang halaga ito ng salapi. Isa rin itong daan upang mas lalo ka pang lumigaya at umunlad hanggang sa tuluyan kang yumaman na maaari ding magsimula ngayong Green Wood Snake.


Itutuloy…


 

YEAR OF THE SNAKE, MAY DALANG SUWERTE NGAYONG 2025

Jan. 8, 2025



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2025 o Year of the Snake.


Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025.


Nitong mga nakaraang araw ay tinalakay natin ang mga elementong maghahari ngayong 2025. 


Ang wood o kahoy ay nagpapahiwatig ng spring o tag-sibol, kaya tiyak na sa taong ito ng 2025 – walang duda, itatala rin ang isang masagana at mabungang taon ngayong Green Wood Snake.


Sa kabilang banda, ang fire na elemento ng animal sign na Snake na siyang animal sign na mamamayani sa taong ito ng 2025 ay magdadala rin ng dagdag-tapang at lakas ng loob, sa mga taong pinanghihinaan ng loob at nawawalan ng pag-asa.


Kaya nga para sa mga nabigo sa buhay, nasadsad sa kalungkutan at mga problema noong nakaraang taon, umasa kang dahil sa impluwensiya ng dalawang elemento, kapwa may constructive at creative energy, basta tumapang ka lang at kumilos nang kumilos – tiyak ang magaganap, anumang pangarap o proyektong ikikilos at aaksyunan mo ay agad na magkakatotoo at matutupad.


Samantala, sa klima at pagtaya naman ng panahon, sinasabing kung ang wood ay spring o tag-sibol, ang fire naman o apoy ay kumakatawan sa summer o tag-araw.


Kung ang wood ay east o silangan, ang fire naman ay south o timog. At kung ang wood ay green, red naman ang kulay ng fire.





Ibig sabihin, ang binanggit nating data sa itaas ay siyang magiging masuwerteng panahon, direksiyon at kulay sa taong ito ng 2025.


Kaya nga maikokonsidera mo na ang masuwerteng panahon sa taong ito ay ang panahon ng spring at summer.


Habang ang masuwerteng direksiyon ay ang east o silangan at south o timog. Mapalad naman sa taong ito ng 2025, ang kulay na green at red.


Sa Chinese medicine, kinukonsidera na ang wood ay sumasaklaw sa bahagi ng katawan na liver, gallbladder, eyes at tendons. 


Habang ang fire naman ay sumasaklaw naman sa bahagi ng ating katawan na heart, cardiovascular system, small intestine at tongue.


Kung saan, ipinapaliwanag nating itong mabuti upang ang nasabing mga bahagi ng ating katawan ay buong husay natin ingatan ngayong taon upang maiwasan ang malubhang pagkakasakit o hindi napaghandaan at mga biglaang karamdaman.


Dagdag dito, sinasabing ang wood ay nagtataglay rin ng planetang Jupiter, habang ang fire naman ay Mars.


Ibig sabihin, sa sandaling tuluy-tuloy na nag-alab ang iyong pangarap sa buhay, ang pag-aalab na ito ay ang planetang Mars, tulad ng pagiging marahas at masigasig.


Ang lahat ng ambisyong ito ay ipagkakaloob naman sa iyo ng planetang Jupiter na kumakatawan naman sa keywords na expansion, healing, prosperity and good fortune.


Kaya tiyak na sa taong ito ng 2025, taon ng mga elementong wood at fire na under ng mga planetang Jupiter at Mars – mangarap, kumilos at mag-ambisyon ka lang dahil tiyak ang magaganap, ang lahat ng pangarap mo ay kusang ipagkakaloob sa iyo ng langit ng suwabeng-suwabe at walang kahirap-hirap.


Itutuloy….


 

PAGSASANIB-PUWERSA NG KAHOY AT APOY, MAGRERESULTA NG PAG-UNLAD

Jan. 7, 2025



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2025 o Year of the Snake.


Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025.


Noong nakaraang araw ay tinalakay natin ang elementong wood o kahoy na ayon sa Chinese Elemental Astrology ang elementong ito ang iiral at mananaig ngayong 2025.

Ngayon naman, dapat n’yo ring maunawaan na bukod sa wood o kahoy na siyang ruling element ng taong ito, ang Ahas o Snake ay may likas ding elemento na tinataglay.


Ang naturalesang elemento ng Ahas ay tiyak na iiral din na kumbinasyon ng wood o kahoy at ang likas na elemento ng Ahas ay ang Fire o Apoy.





Sa creative or constructive cycle of the five elements, tunay ngang ang wood at fire ay suweto sa isa't isa, dahil ang wood ang siyang pinanggagalingan ng fire.


Kaya naman, ang pag-iral ng elementong wood at fire sa taong ito ay tiyak na magiging produktibo at masagana. 


Taglay din ng dalawang elemento ang harmonious relationship, patungo sa

kasukdulang dulot na constructive at creativeness sa panahong sila’y umiral at kapwa magsama sa taong ito.


Kaya naman, tiyak na sa taong ito, marami pang mga kakaiba at pambihirang mga bagay ang malilikha na ngayon lang natin masasaksihan.


Sinasabing sa taong ito, masasaksihan at mararanasan natin ang mabilis at sunud-sunod na imbensyon sa larangan ng teknolohiya, medisina at sa lahat ng aspetong ng computer.


Ganundin, marami rin tayong matutuklasang bago at kakaiba sa larangan ng internet, mass media, modern medicine, transportation at maging sa space adventure na kasalukuyang tinatahak ng makabagong henerasyon.


Walang duda, ang mga nabanggit na larangan ay tuluy-tuloy at magkakandarapang uunlad nang uunlad at lalago nang lalago. Kaya naman, ang posibleng mangyari hinggil sa mabilis na paglago at pagdami ng mga modern technology ay ang magiging problema ng human technical skills o kasanayan kung paano ito magagamit, paaandarin at mapapakinabangan.    


Subalit, kung makakasabay ang kasanayan ng tao sa high-tech na technology na maiimbento at tuluy-tuloy na matutuklasan, sa taong ito ay tiyak na uunlad at magiging super-high-tech na ang mundo.  


Kaya sa mga nagtatanong kung magiging produktibo raw ba ang ekonomiya sa taong ito ng 2025, tiyak na aangat nang husto ang graph ng pag-unlad sa larangan ng salapi at sa aspeto ng pangmateryal na bagay, higit lalo kung hindi gaanong iiral ang impluwensiya ng ruling planet na Mars na ayon nga Numerology, taglay din ng taong ito ng 2025 ang numerong 9 (ang 2025 ay 20+25=45/ 4+5=9) na nagbabadya ng malawakang digmaan.


Sa matuling salita, kung maiiwasan ang World War III sa taong ito, walang duda, ang napakagandang senyales ng kumbinasyon ng kahoy at apoy ay tiyak namang mapapakibangan nang husto, hindi lamang sa ating bansa. Bagkus ang kasaganaan at pag-unlad din na hatid ng Green Wood Snake na taglay ng elementong wood at fire na tatalab at magkakabisa sa lahat ng panig ng mundo na nagpapahiwatig ng isang produktibo at masaganang mundo ngayong buong taon. 

Itutuloy…


 

MGA NALUGING NEGOSYO, TIYAK NA SUSUWERTEHIN NGAYONG 2025

Jan. 6, 2025



Noong nakaraang araw ay tinalakay natin ang Forecast 2025 at ayon sa Numerology, ang year 2025 ay taon ng numerong 9, nangyaring ganu’n dahil ang 2025 ay 20+25=45/ 4+5=9.


Kaya naman, tinatayang magkakaroon ng significant at favorable na mga pangyayari sa buhay ng mga taong isinilang sa pesang 9, 18 at 27, ganundin silang ka-affinity o ka-compatible ng numerong 9, silang isinilang sa petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15 at 24. 


Sa pagkakataong ito, dadako naman tayo sa pag-aanalisa ng Chinese Elemental Astrology at tatalakayin natin ang elementong mangingibabaw sa taong ito ng 2025.


Tandaan, ang dalawang elementong nangingibabaw ngayong taon ay ang mismong elemento ng taong 2025 at elemento ng wood o kahoy. Subalit, bukod sa wood o kahoy, ang hindi alam ng iba, pero ipapaalam ko na rin sa inyo, dapat ding isaalang-alang ang likas na elemento ng Snake o Ahas na siyang iiral na animal sign ngayong 2025 – ang fire o apoy.





Bukod kasi sa elemento ng wood o kahoy, may elemento ring likas ang bawat animal signs at ang elementong likas ng Ahas o Snake ay ang fire o apoy.


Sa Chinese Elemental Astrology, kapag sinabing wood o kahoy ito ay nangangahulugan ng springtime o tag-sibol. Bukod sa tag-sibol, karaniwan ding inilalarawan ang wood bilang isang malaki at malusog na punong kahoy. 


Dagdag dito, tipikal ding larawan ng elementong wood ang kawayan na hindi basta-basta nababali, natutuwad at napuputol. Sa halip ay sumasakay lang siya sa mahina at malakas na ihip ng hangin.


Kaya ang keywords ng elementong wood ay “flexibility and resilience”. Kung saan, anumang hamon ng mga pagsubok at problema ang kaharapin ng bawat indibidwal sa taong ito ng 2025, tiyak na madali niya itong masosolusyunan at kung sakali mang madapa siya sa mga suliranin at problema, tulad ng punong kawayan na sumasakay-sakay lang sa ihip ng hangin – tunay ngang madali rin siyang makakabangon at makaka-recover sa kahit ano’ng uri ng problemang sumunggad sa buong taong ito ng 2025.   


Bukod sa “flexibility and resilience”, taglay din ng elementong wood ang keywords na “growth and renewal”. 


Kaya naman, kung halimbawang may negosyo kang nalugi o maliit lang ang kinita mo noong nakaraang taon, paniguradong sa taong ito ng 2025, unti-unti ka nang makaka-recover sa mga nalugi sa iyong puhunan at hindi ka lang tutubo ng malaki, kundi patuloy pang lalago ang iyong negosyo at pinagkakakitaan.


Kung sadya namang nagpasya ka ng isarado na ang iyong negosyo o magpalit ng produkto o lumipat ng ibang puwesto – tunay ngang ang elementong wood sa taong ito ng 2025 ang magbibigay sa iyo ng paborableng kapalaran upang mag-renew. 


Kaya naman baguhin mo na ang iyong negosyo o puwesto, dahil sa bagong produkto at bagong puwesto, unti-unti kang makaka-recover hanggang sa tuluyan kang yumaman. 


Itutuloy…


 

KAPALARAN NG TAONG NUWEBE NGAYONG YEAR OF THE SNAKE

Jan. 5, 2025



Muli nating ipagpatuloy ang pagtalakay sa Forecast 2025


Ayon sa Numerology, ang taong 2025 ay naiimpluwensiyahan ng numerong 9. Nangyaring ganu’n, dahil ang 2025 ay 20+25=45/ 4+5=9. 


Kaya bukod sa pagiging matapang, kilala rin ito sa pagiging explorer, palaban at maraming gustong gawin sa buhay.


Sa kabilang banda, sinasabing ang numerong 9 ay kumakatawan din sa material accomplishment o material achievement na nangangahulugan ng pagyaman. ‘Yun nga lang, kadalasan ang mga Taong Nuwebe ay medyo magastos din, walang pakundangan sa paglalabas ng pera o salapi. Kaya kung matututunan lamang ng Taong Nuwebe ang pagtitipid at pagsisinop, tiyak na ngayong taon din sila yayaman.





Dagdag dito, ang numerong 9 ay kinakategoryang isa sa mga strong number, dahil ang sinumang isinilang sa petsang 9, 18 at 27 ay tiyak na may strong personality. At dahil taon ngayon ng mga Taong Nuwebe, asahan mong lalo magiging agresibo, active, kung anu-ano ang iisipin nila, tulad ng nasabi na, lalakas ang kanilang libido at enerhiya ngayong 2025. 


Kaya naman, kahit ano pa ang kanilang gawin, tiyak na mapagtatagumpayan nila ito.


Ang problema lang sa mga Taong Nuwebe ay hindi sila nakakapag-concentrate sa iisang larangan. Dahil sobrang dami ng kanilang iniisip at gustong gawin, nawawalan tuloy sila sa concentration, kaya naman wala tuloy silang natatapos at napagtatagumpayan.


Gayunman, kapag nakapagpokus naman ang mga Taong Nuwebe sa iisang larangan, tiyak na liligaya sila at ang kaligayahang ito ang maghahatid sa kanila sa isang mas satisfied at matagumpay na gawain.


Tandaan n’yo rin na ang Taong Nuwebe ay kilala rin sa pagiging ma-ego, makasarili at mayabang. Kung mas paiiralin nila ang ganitong mga pag-uugali, imbes na magtagumpay at yumaman sila, baka mas lalo pa silang maghirap, malubog at mabaon

sa mga problema at pagkakautang.  


Kaya naman, sa taong ito ng 2025, kahit pa taon ito ngayon ng mga Taong Nuwebe, dapat pa rin tayong maging mahinahon, ‘wag masyadong malakas ang loob at mas maganda kung makikinig din tayo sa mga advice ng mga matatalinong kaibigan at mga taong nagmamalasakit sa atin.


Sa ganu’ng paraan, kapag marunong tayong makinig, tiyak ang magaganap, mabilis tayong uunlad hanggang sa tuluyang yumaman ngayong 2025.  


Itutuloy….


 

DOS AND DON'TS NGAYONG YEAR OF THE SNAKE

Jan. 4, 2025



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2025, tulad ng natalakay natin kahapon, ang taong 2025 ay siya ring numerong 9, lalo na kapag ito ay gagawing single digit. Nangyaring ganu’n, dahil ang 2025 ay 20+25=45 at ang 4+5=9.


Pagdating naman sa Astro-Numerology na pag-aanalisa, isaalang-alang din natin ang numerong 9 na may kaakibat na Planetang Mars at kilala ito bilang God of War, ito ay nagpapahayag ng aksyon, pagkilos, pakikihamok at labanan. Kaya ang numerong 9 ay kinakategorya bilang isa sa mga super strong number.


Ibig sabihin sa pandaigdigang kalagayan, maraming malalaki at mabibilis na kaganapan ang magaganap sa aspetong pang-ekonomiya, politika, siyensya at medisina. Ganundin sa larangan ng environment o pisikal na anyo ng daigdig o mundo.


Kaya anumang nakakabiglang kaganapan ang mangyari ngayon, hindi ka dapat magulat o mabigla. Dahil ang mga nakagigilalas at kahanga-hangang pangyayari ay sadya at pangkaraniwan lang na dala-dala o bitbit ng mga taong may numerong 9.


Sa madaling salita, negatibo at positibong sorpresa ng kapalaran ang tiyak na magaganap sa susunod na mga araw at buwan sa buong taong ito ng 2025.


Sa personal mo namang kalagayan, kung ikaw ay isinilang sa petsang 9, 18, at 27, ganundin silang ka-affinity o ka-compatible ng “Taong Nine” o ‘yung mga isinilang sa petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15 at 24 – umasa kang ngayon na rin magaganap ang favorable year mo, gayunman kahit pa akalain mong pangit ang mangyayari sa iyo, kung magiging positibo naman ang pagtanggap mo sa mga negatibong kaganapang mangyayari, isang malaking sorpresa ng magandang kapalaran ang nakalaan pa rin sa iyo.


Isang konkretong halimbawa nito ay bigla kayong magkakahiwalay ng dyowa mo, aakalain mong magiging negatibo ang dulot nito sa kapalaran mo, pero sa kabila nito ay magiging positibo rin ang magiging pananaw mo sa buhay, bagkus, ‘yung hiwalayan n’yo pa ang maghahatid sa iyo sa mas maunlad at maligayang pakikipagrelasyon.


Samantala, kahit sa aspetong pampinansyal. Maaaring baon ka sa utang ngayon o ‘di kaya naman ay iniinda mo pa rin ang nakaraang panloloko sa iyo ng isang malapit na kakilala o kaibigan, pero kung magiging positibo lamang ang iyong pakiramdam o pananaw, sa halip na labis na ma-depress, ‘yun pa ang magtutulak sa iyo upang mas lalo pang mag-ingat sa paghawak ng pera hanggang sa umunlad at yumaman ka. 


Ganu’n ang posibleng mangyari sa iyo ngayong 2025. Ang mga kalungkutan at pagtitiis na nararanasan mo ngayon ay isa lang gift wrap o pambalot ng regalo, na akala mo sa simula ay pangit, pero ‘pag tiningnan o pagminulat mo ng iyong mga mata, sobrang gandang kapalaran pala ang inilaan sa iyo ng langit.  


Kaya tandaan mo, anumang senaryo at pangyayari ang dumating sa iyong buhay, hindi ka dapat ma-depress, malungkot o panghinaan ng loob, dahil tulad ng nasabi na – kapag naging positibo lang ang pananaw mo sa buhay, ang lahat ng inaakala mong pangit na pangyayari ay mako-convert sa isang sorpresa at napakagandang kapalaran na regalo sa iyo ng langit sa taong ito ng 2025.   


Itutuloy….    


 

MGA NUMERONG SUSUWERTEHIN NGAYONG YEAR OF THE GREEN WOOD SNAKE

Jan. 3, 2025



Maraming nagtatanong kung ano nga raw ba ang magiging pangunahing kaganapan ngayong 2025, partikular sa nating naririnig at sinasabing, “Ano kaya ang magiging kapalaran ko sa taong ito, uunlad na kaya ako at isa-isa na bang matutupad ang mga dalangin ko sa aking buhay?” 


At may katanungan din sa akin ang isang beki sa beauty parlor na palagi kong pinapasyalan, “Tatama na ba ‘ko sa lotto ngayong 2025, Maestro?”


Ang mga tanong na ‘yan ay ilan lamang sa marami pang diskusyon hinggil sa Forecast 2025, ang ipaglilingkod natin ngayon ng tuluy-tuloy na rito n’yo lang mababasa, exclusive sa pahayagang pinakapaborito n’yong basahin – ang pahayang BULGAR.  


Siyempre, kung ang Chinese Elemental Astrology ang tatanungin, sinasabing ang taong 2025 ay siya ring taon ng Animal Sign na Snake o Ahas sa elementong Wood o Kahoy.

Actually, alam naman nating lahat na hindi January 1 ang simula ng Chinese New Year kundi sa January 29. Kung saan, sa araw din ito ipinagdiriwang ang Spring Festival sa bansang China.


Kaya ang Year of the Green Wood Snake ay sakto at opisyal na magsisimula pa lamang sa January 29, 2025.   


Ngunit sa ating bansa, kahit na January 29 pa ang simula ng Wood Snake, atat na atat agad tayo sa mga forecast at prediksyon ng ating mga kapalaran, kaya kahit January 1 pa lamang ay talaga namang gustung-gusto na nating malaman kung ano ang ating magiging kapalaran.


Kaya bukod sa Chinese Elemental Astrology, hahaluan na rin natin ito ng Numerology o pag-aanalisa ng mga numero ang inyong forecast ngayong taon.


Sa Numerology, walang duda at tiyak na iiral ang numerong 9, sa kapaligiran, buhay at karanasan ng isang tao. Alam kong napapaisip ka kung saan ko nakuha ang numerong 9, hindi ba? Kapag ginawang single digit ang 2025, o ‘di kaya’y i-add mo para mas lumutang ang single number, ganito ang kompyutasyon, 2025 ay 20+25=45/ at ang 45 ay 4+5=9.


Kapag nakakakita ka ng numerong 9, dalawang bagay ang pumapasok sa isip mo. Una, ang palasak, tipikal o palaging nilalaro sa playing card ng mga manunugal, walang iba kundi ang lucky 9. Kaya tiyak na maraming mga suwerte at magagandang pangyayari ang posibleng maganap sa taong ito ng 2025.


Samantala, ‘yung mga taong malas o silang minalas noong nakaraang taong 2024 dahil sa numerong 9 ay tiyak na susuwertehin na ngayong taon. 


Ngunit hindi rin mapasusubalian na ang numerong 9 ay kumakatawan din sa “completeness” o “katapusan” ng bawat bilang.


Nangyaring ganu’n, dahil ang 10 na susunod sa 9 ay mapapansing pag-uulit lang ng 1.


Kaya ang 9 ang huling bilang. Kumbaga, ang totoo bilang ay 1 to 9 lamang. Muli nating isa-isahin ang bilang o numbers, 1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8 at 9. Dahil ang susunod sa 9 ay 10, at tulad nang nasabi na, kapag ginawa mong single digit ang 10, 1 pa rin ang kalalabasan, 1+0=1. Gayundin ang 11, kapag ginawa mo itong single number ay 1+1=2, ulit lang ng 1 at 2.


Kaya dalawa lang ang ibig sabihin ng 9 kapag nagbibilang, ito ay katapusang bilang o last number. Ibig sabihin, kumpleto na at sa medyo malalim na paliwanag ay “kaganapan sa lahat ng bagay”, nangangahulugang titigil na ang lahat at pagkatapos ay ang muling magsisimula.


Ang 9 sa Numerology ay may kaakibat ding planeta – Planetang Mars, sa Roman-Greek mythology na siya rin “God of War” o ang “Diyos ng Digmaan”. Kaya mapapansin mo na sa taong ito, imbes na matigil ay lalo pang lalala ang mga labanan, digmaan at giyera sa iba’t ibang bahagi ng mundo.


Samantala, kung ikaw naman ay isinilang sa petsang 9, 18 at 27, tiyak na ang taong ito ang magiging significant at favorable year mo. Kung saan, maraming magagara, biglaan, malalaki at mga hindi inaasahang pangyayari ang magaganap sa iyong kapalaran.


Kaya hindi ka dapat magmadali at magpadalus-dalos sa pagdedesisyon dahil ang numerong 9 ay kaakibat ng salitang “strong number”, kaya kapag nagmadali at nagpadalus-dalos ka, dahil “strong number din ang birth date mong 9, 18 at 27”- maaaring sa kapahamakan lang mauwi ang taong 2025.


Pero kung suwabeng-suwabe mo lang gagawin ang anumang plano o pangarap mo sa buhay, tulad ng paisa-isang patak ng ulan, dahan-dahan, isa-isa, walang kahirap-hirap at suwabeng-suwabe mo ring makakamit at ipagkakaloob sa iyo ng langit ang lahat ng mga pinapangarap at inaambisyon mo sa buhay sa taong ito ng 2025.


Itutuloy….


 

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page