First love, ‘di makakatuluyan kaya ‘di na dapat yayaing magtanan
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | March 16, 2022

KATANUNGAN
May niligawan ako, mahal na mahal ko siya at pagkatapos ng halos isang taon ng panliligaw ay sinagot niya rin ako. Masayang-masaya kaming dalawa nang araw na ‘yun, lalo na nang matuklasan kong mahal na mahal niya rin pala ako.
Ang problema, tutol sa akin ang pamilya niya dahil mahirap lang kami. Bunso siya sa limang magkakapatid at kaisa-isa siyang babae, kaya wala siyang nagawa nang iutos ng kanyang pamilya na layuan ako hanggang sa mabalitaan ko na na may iba na siyang boyfriend.
Ang naging boyfriend niya ay ‘yung dating manliligaw niya rin na mayaman at gusto ng pamilya niya para sa kanya. Hindi ko tuloy alam kung ano ang gagawin ko dahil ang balita ko ay malapit na silang ikasal. Nang huling nag-usap kami, ako pa rin daw ang mahal niya, pero wala na raw siyang magagawa kundi sumunod sa mga magulang niya.
Sa palagay mo, Maestro, ang dapat kong gawin? Kung halimbawang ipaglaban ko ang pag-iibigan namin, may tsansa ba na sumama siya sa akin kung yayain ko siyang magtanan? May pag-asa rin ba na kami pa rin ang magkatuluyan? Palagi niya kasing sinasabi na kung talagang kami, kapalaran ang gagawa ng paraan para magkabalikan kami. Mangyayari ba ang sinasabi niyang ito o ibang babae ang mapapangasawa ko?
KASAGUTAN
Sabi nga ng isang Australian writer na si Norman Lindsay, “The best love affairs are those we never had.” Ganu’n ang posibleng mangyari, kung saan ang medyo naputol at nagkabilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad ay nagsasabing posibleng hindi kayo magkatuluyan ng nasabing babae na naging bahagi ng iyong masayang karanasan. Bagkus, ang nasabing tanda sa iyong palad ay patunay lamang na ang naturang wagas at tunay na pag-iibigan ay nakatakda ring mauwi sa wala o sa kabiguan.
Ibig sabihin, mananatili ang pagmamahal n’yo sa isa’t isa, deep inside sa inyong mga puso at isipan, ngunit ang nakalulungkot ay hindi rin naman kayo ang magsasama at magkakatuluyan.
Bagkus, darating ang panahong tuluyan na niyang mapapangasawa ang kasalukuyan niyang boyfriend, habang ikaw naman ay makapag-aasawa ng ibang babae na hindi mo masyadong mahal. Ito ang nais sabihin ng ikalawang mas maayos na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M), pero hindi masyadong mahaba at malinaw (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tunay ngang bagama’t may naiwang pag-ibig sa ibang babae, hindi mo rin maiiwasan na magdesisyon nang praktikal— dapat ka muling umibig sa iba, makipagrelasyon upang maganap ang pag-aasawa at pagkakaroon ng matino, maayos at panghabambuhay na pagpapamilya.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Denver, ngayon pa lang ay ihanda mo na ang iyong sarili na tatanggihan ka ng ex-girlfriend mo kung sakaling yayain mo siyang magtanan. Sapagkat nakatakda na ang magaganap— ang babaeng mapapangasawa mo ay hindi mo masyadong mahal, habang ang babaeng minahal mo nang wagas at lubusan ay tulad mo, siya ay makapag-aasawa ng lalaking hindi niya rin masyadong mahal.




Comments