Filipino nurses, ingat sa agencies na nag-aalok ng trabaho abroad
- BULGAR

- Sep 30, 2024
- 2 min read
by Info @Editorial | Sep. 30, 2024

Naglabas ng abiso ang Department of Foreign Affairs (DFA) ukol sa mga Pilipinong nurse na naghahanap ng trabaho sa ibang bansa partikular sa New Zealand.
Sa kabila ng pangarap ng maraming Pinoy na makahanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa, nararapat lamang na maging maingat at responsableng suriin ang mga proseso bago umalis ng bansa.
Ang mga ulat na may ilang indibidwal at agency na nag-aalok ng mabilis na pagproseso sa pamamagitan ng visitor visa upang makapasok at makapag-apply ng trabaho sa New Zealand ay nagbibigay lamang ng maling pag-asa.
Bagaman lehitimo ang Comprehensive Assessment Program (CAP) at Objective Structured Clinical Examination (OSCE), hindi ito katiyakang makakahanap agad ng trabaho ang mga nurse.
Nakadepende pa rin umano ito sa demand ng lokal na merkado at kapasidad ng mga employer na mag-hire.
Ang kalagayang ito ay patunay na ang pag-abot sa mga pangarap, partikular sa larangan ng nursing, ay hindi dapat idaan sa padalos-dalos na desisyon.
Marami na tayong naririnig na kuwento ng mga kababayan nating nagtangkang pumunta sa ibang bansa para magtrabaho ngunit nauwi sa pagkadismaya dahil sa maling akala at kakulangan ng sapat na impormasyon.
Sa gitna ng lahat ng ito, mahalaga ang pagsasagawa ng masusing pananaliksik at paghingi ng tulong mula sa mga lehitimong ahensya upang makaiwas sa mga ganitong panganib.
Ang mga overseas Filipino workers (OFWs) ay itinuturing na mga bagong bayani dahil sa kanilang sakripisyo para sa pamilya at bansa. Ngunit, bago magpunta sa ibayong dagat, kailangang maging mapanuri at sigurado sa bawat hakbang na gagawin.
Hindi madali ang buhay sa ibang bansa, kaya ang pagiging masinop sa mga dokumento, proseso, at oportunidad ay mahalaga upang makamit ang inaasam na tagumpay.






Comments