Filing ng COCs aarangkada na, mga kandidato, ‘wag nang masyadong umeksena
@Editorial | October 1, 2021
Ngayong araw, Oktubre 1, inaasahan ang pagsisimula ng filing ng certificates of candidacy (COC) ng mga kakandidato para sa 2022 Elections.
Hindi tulad ng mga nagdaang paghahain ng COC na parang piyesta, ngayon ay magiging mas istrikto, organisado at maingat na dahil sa banta ng COVID-19.
Nagsagawa na rin ng inspeksiyon ang kapulisan sa loob at labas ng Tent City sa Sofitel Hotel sa Pasay City kung saan gaganapin ang filing ng COC.
Tinatayang 3,000 pulis ang ipakakalat sa lugar na pawang sumailalim na sa swab test at puro negatibo ang resulta.
Magpapatupad din ng ‘no fly zone’ at ‘no fishing zone’ sa paligid ng Sofitel Hotel, mula alas-12:00, Biyernes ng hatinggabi (October 1), hanggang sa alas-12:01 ng hatingabi ng October 9.
Tiniyak din ng mga pulis na maayos ang preparasyon ng kanilang hanay para sa paglalatag ng seguridad.
Ang pakiusap lang sa mga kandidato at kasama sa pagpa-file ng COC, sundin natin ang mga panuntunan, huwag nang masyadon umeksena para hindi magtagal at masunod ang schedule.
Hindi pa panahon ng pangangampanya, huwag munang umepal, plis lang.



Comments