top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Fil-Am Clarkson, dinurog si Curry; Lakers, tinumba ang Bulls

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 25, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 25, 2021





Sa pagpasok ng ikalawang buwan ng aksyon, pinatunayan ng Utah Jazz at kabayan Jordan Clarkson bakit sila ang kasalukuyang pinakamainit na koponan sa 2020-2021 NBA matapos durugin ang Golden State Warriors, 127-108, para sa kanilang ika-walong sunod na panalo kahapon sa Chase Center. Umarangkada ng maaga at malaki ang Jazz sa likod ng 23 puntos ni Donovan Mitchell, 17 ni Mike Conley at pinatuloy ng 14 ni Clarkson.


Nabawasan ang kinang ng nilaro ni Stephen Curry na pumukol ng limang tres upang lampasan ang alamat na si Reggie Miller para sa pangalawang may pinakamaraming three-points sa kasaysayan ng liga, 2,562 kumpara sa 2,560. Susunod na hahabulin ni Curry ang isa pang alamat na si Ray Allen na may 2,973 tres mula 1996 hanggang 2014.


Patuloy din ang mahusay na porma ng defending champion at numero unong koponan Los Angeles Lakers at pinatumba ang Chicago Bulls, 101-90, at manatiling perpekto sa kanilang siyam na larong dayo. Walang nakapigil kay Anthony Davis na nagsabog ng 37 puntos at tinulungan ni LeBron James na may double-double na 17 puntos kung saan parehong 28 minuto lang ang ginamit ng dalawang bituin ni Coach Frank Vogel.


Kahit lumiban sina Victor Oladipo at Christian Wood, tinakpan ito ng magandang laro nina Eric Gordon at DeMarcus Cousins upang magwagi ang Houston Rockets sa Dallas Mavericks, 133-108. Nagtapos si Gordon na may 33 puntos habang may 28 puntos si Cousins.


Sinayang ng Brooklyn Nets ang 18 puntos na lamang at kinailangan ang mga pandiin na buslo nina Kevin Durant, Kyrie Irving at James Harden sa huling dalawang minuto upang palamigin ang Miami Heat, 128-124, at bumawi matapos ang dalawang mapait na talo sa Cleveland Cavaliers noong nakaraang mga araw. Nanguna si Durant na may 31 puntos habang nagdagdag ng 28 si Irving at 23 galing kay Joe Harris buhat sa pitong tres.


Nagtrabaho ng todo ang Philadephia 76ers sa second half upang malampasan ang hamon ng Detroit Pistons, 114-110, sa tapatan ng dalawang koponan sa magkabilang dulo ng standings. Walang buslo ang 76ers sa huling 2 minuto subalit isinalba sila ng pinagsamang limang free throw nina Joel Embiid na nagtapos na may 33 puntos at Ben Simmons na may 20 puntos para sa kanilang ika-12 panalo at manatiling numero uno sa Eastern Conference.


Nabuhay ang kampanya ng Minnesota Timberwolves at binigo nila ang New Orleans Pelicans, 120-110, para sa kartadang 4-11 at wakasan ang kanilang apat na sunod na talo. Bumida sina sentro Naz Reid na may 20 puntos at numero unong rookie Anthony Edwards na may 18 puntos bilang reserba subalit nanatili pa rin sila sa ilalim ng Western Conference.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page