FIFA World Cup, lalarga na ang aksiyon sa Qatar
- BULGAR

- Feb 2, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 2, 2021

Sisipa ang aksyon sa 2020 FIFA Club World Cup ngayong Pebrero 4 sa Qatar at maagang paborito ang Bayern Munich ng Alemanya tampok ang may lahing Pinoy na si David Alaba. Anim na kampeon buhat sa lahat ng mga kontinente ang magtatapatan sa taunang torneo ng mga pinakamabigat na club sa buong mundo.
Bilang kampeon ng Europa, pasok na ang Bayern sa semifinals kasama ng Pameiras ng Timog Amerika at maghihintay sila ng makakalaro. Bubuksan ang torneo ng laban ng Al Duhail ng punong abala Qatar at Al Ahly ng Ehipto para sa karapatan laruin ang Bayern habang ang magwawagi sa Ulsan Hyundai ng Timog Korea at Tigres UANL ng Mexico ang tutuloy kontra Palmeiras.
Ang ika-pito sanang kalahok, ang Auckland City ng New Zealand, ay hindi tumuloy sa gitna ng suliranin sa paglakbay palabas at papunta sa kanilang bansa. Ang torneo ay unang itinakda para sa nakaraang Nobyembre subalit nagpasya ang FIFA na ilipat ito sa Pebrero.
Ang Liverpool ng Inglatera ang kampeon noong 2019 subalit hindi nila matatanggol ang kanilang tropeo. Ito na rin ang ikalawang sunod na taon na gaganapin ang torneo sa Qatar at magsisilbi rin itong ensayo para sa kanilang pagiging punong abala sa 2022 FIFA World Cup.
Ang Real Madrid ng Espana, kung saan nakatakdang lumipat si Alaba oras na mapaso ang kanyang kasalukuyang kontrata, ang pinakamatagumpay na koponan sa kasaysayan ng torneo na may apat na titulo (2014, 2016, 2017 at 2018). Bahagi si Alaba ng Bayern Munich na nagkampeon noong 2013 at gagawin nila ang lahat para makamit ang isa pa.
Hindi kailangan maghintay ng matagal at sa Disyembre na ang 2021 FIFA Club World Cup sa Japan. Kakatawanin ang Asya ng kampeon ng 2021 AFC Champions League kung saan kalahok ang mga pambato ng Pilipinas na United City at Kaya Iloilo.





Comments