FIBA 3x3 World Tour balik bakbakan sa Cebu
- BULGAR
- Sep 23, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 23, 2023

Mga laro ngayong Sabado – SM Seaside City
12:45 p.m. Lubao MCFASolver vs. Taichung
1:55 p.m. Lubao MCFASolver vs. Auckland
4:20 p.m. Vienna vs. Manila Chooks
8:20 p.m. Futian vs. Manila Chooks
Cebu City – Magbabalik ang pinakamataas na antas ng professional 3x3 sa ikalawang edisyon ng FIBA3x3 World Tour Cebu Masters ngayong Sabado sa SM Seaside City. Tiyak na magiging mahigpitan ang labanan at nakaakit ang torneo ng lima sa Top 10 koponan sa pinakabagong FIBA3x3 World Ranking.
Aani ng pansin ang numero unong koponan na Ub Huishan NE ng Serbia na tampok sina Strahinja Stojacic, Dejan Majstorovic at Marko Brankovic na #1, #2 at #3 sa FIBA3x3 Player Ranking at #6 Nemanja Barac. Sisikapin ng Ub na sundan ang kanilang kampeonato sa Manila Masters noong Mayo.
Nabunot ang Ub sa Grupo A kasama ang Sansar MMC Energy ng Mongolia at Wuxi ng Tsina. Nasa Grupo B ang #2 Amsterdam, Paris ng Pransiya at San Juan ng Puerto Rico.
Pangungunahan ng Manila Chooks ang pagtanggol sa Pilipinas laban sa mga banyaga.
Sasamahan ang numero unong manlalarong Pinoy Mark Jayven Tallo nina Marcus Hammonds, Marquez Letcher-Ellis at Tosh Sesay.
Nabunot ang Manila sa Grupo C kasama ang Vienna ng #5 Austria at Futian ng Tsina. Maglalaro sa Vienna si Stefan Stojacic na minsan nagsilbing coach ng programa ng Chooks 3x3 at kuya ni Strahinja ng Ub.
Ang isa pang koponang Filipino na Lubao MCFASolver ay kailangang dumaan muna sa qualifying kontra Auckland ng New Zealand at Taichung Hong Jia ng Chinese-Taipei simula 12:45 ng hapon. Kung papalarin, tutuloy ang Lubao sa Grupo D kung saan naghihintay ang #8 Miami ng Estados Unidos at #9 Ulaanbaatar MMC Energy ng Mongolia.








Comments