Search
  • BULGAR

FIBA 3x3 Olympic Qualifying Tourney, inilipat sa Austria

ni Anthony Servinio - @Sports | June 25, 2020




Magsisilbi nang bagong lugar ang Graz, Austria na pagdarausan ng FIBA 3X3 Olympic Qualifying Tournament. Ang torneo ay gaganapin mula Mayo 26 hanggang 30, 2021 at tiyak na lalaban ng puspusan ang Pilipinas upang makamit ang isa sa tatlong tiket para sa Tokyo 2021.


Magtatayo ng pansamantalang court sa makasaysayang Hauplatz kung saan maaring manood ang hanggang 2,000 tagahanga. Nangako ang mga organizer na ang torneo ay magiging isa sa pinakamalinis para sa ikabubuti ng Inang Kalikasan.


“The focus of our Government in Sports is the promotion of trending and green sporting event,” wika ni Austria Vice Chancellor at Ministro ng Palakasan Werner Kogler sa gitna ng taunang pagdiriwang ng Olympic Day. “The FIBA 3X3 OQT combines modernity and sustainability in a unique way.”


Wala pang katiyakan kung uulitin ang bunutan matapos ipagpaliban ang unang OQT noong nakaraang Marso sa Bengaluru, India sa simula ng krisis sa COVID-19. Hindi kasama ang Austria sa unang listahan ng 40 bansa.


Kasama ng Pilipinas ang Qatar, Slovenia, Dominican Republic at Pransiya sa Grupo C. Ang dating punong-abalang India ay napunta sa Grupo D kasama ang Canada, Croatia, Latvia at Netherlands.


Ang Grupo A ay Brazil, Czech Republic, Mongolia, Poland at Turkey habang Grupo B ang Belgium, Lithuania, New Zealand, Timog Korea at Estados Unidos. Kung hindi makapasok sa OQT, may huling pagkakataon para sa nag-iisang tiket sa Universality OQT sa hindi pa tiyak na petsa sa Budapest, Hungary.


Ang kampanya ng Pilipinas ay pangungunahan nina Joshua Munzon at Alvin Pasaol, mga bituin ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 at numero uno at dos na manlalaro sa bansa ayon sa FIBA 3X3 Ranking. Sasamahan sila ng mga galing PBA na sina Moala Tautuaa ng San Miguel Beer at CJ Perez ng Terra Firma na bahagi ng koponan na nagwagi ng gintong medalya sa 3X3 sa 30th Southeast Asian Games noong Disyembre sa FilOil Flying V Centre.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.