top of page

Feelings sa ex-bf, dapat nang kalimutan dahil kapwa pamilyado na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 12, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 12, 2022



Dear Maestro,


Bakit kahit may asawa na ako at isang anak na one year old ay palagi ko pa ring naalala ang ex-boyfriend ko? Hindi pa rin siya mawala-wala sa puso at isipan ko. Ka-barangay ko siya kaya kapag nagkikita kami, dama ko na may pagtingin pa rin ako sa kanya at sa palagay ko ay ganundin siya sa akin. Ang nangyari kasi ay una siyang nakapag-asawa dahil nabuntis niya ‘yung best friend niya habang kami pa. Kaya pinili niyang panagutan ang kanyang nagawa kahit lasing lang siya nang mangyari ‘yun.


Ayaw daw kasi niyang maka-argabyado ng babae, pero hindi ko lang masabi sa kanya noon na parang ako naman ang argabyado.


Sa ngayon, tingin ko ay masaya naman sila ng family niya at ganundin ako sa mister ko.


Mabait ang mister ko at masasabi kong wala kaming problema sa pinansiyal na aspeto kasi bukod sa may kaya siya, maganda rin ang kanyang trabaho kahit nagka-pandemya.


Ang ipinagtataka ko, Maestro, bakit ayaw mawala sa puso ko ang aking ex-boyfriend?


Sa palagay n’yo, darating ba ang pagkakataong muling magtatagpo ang aming landas upang dugtungan ang naputol naming pagmamahalan?


May plano rin kaming mag-immigrant ng family ko sa Canada dahil nandu’n na ang mga kapatid ng mister ko, matutuloy ba kami at kailan? July 16, 1991 ang birthday ko habang ang ex-boyfriend ko naman ay November 7, 1990 at ang mister ko naman ay February 25, 1989 ang birthday.


Umaasa,


Jhelay ng Addition Hills, Mandaluyong City

Dear Jhelay,


“Once you love, you cannot take it back, and cannot undo it. What you feel may have changed, shifted slightly, yet still remains love.” – Whitney Otto.


‘Yan ang dahilan kaya hindi mo malimutan ang ex-boyfriend mo — nagmahal ka kasi, at sa minsang minamahal mo ang isang tao, mahirap nang mawala o mabura pa ang pagmamahal na inukol mo sa kanya. Paano pa kaya kung ang nasabing pagmamahal ay nabitin o nausyami dahil sa mga hindi maiiwasang sitwasyon?


Kaya kapag nagkikita kayo ng ex-boyfriend mo, hindi sinasadyang naaalala mo pa rin siya at ang inyong nakaraan, lalo pa’t hindi kayo nagkatuluyan. Sabi nga, ang pinakamasarap na romansa ay ‘yung hindi mo naranasan pero gustong-gusto mong maranasan.


Subalit sa totoo lang, may mas masarap na romansa pa r’yan, ‘yung romansa na muntik mo nang maranasan, pero dahil sa hindi sinasadyang pangyayari ay hindi mo rin naranasan, kaya naman matindi ang paghahangad ni unconscious self na maulit ang tagpong ‘yun upang magkatotoo ang iyong pagnanasa.


Ang problema ay hindi ka na dalaga, bagkus, may asawa’t anak ka na, na dapat mong iprayoridad kaysa sa personal mong kaligayahan. Kaya tama lang na limutin mo na ang ex-boyfriend mo kahit na sabihin pang ang zodiac sign mong Cancer ay ka-compatible ng zodiac sign niyang Scorpio, gayundin ang birth date mong nagkataong pareho pa kayong 7.


Pero kahit ka-compatible mo ang ex-boyfriend mo, hindi mo rin dapat makalimutang ka-compatible ng zodiac sign mong Cancer ang zodiac sign na Pisces ng mister mo.


Ganundin sa Numerology, kung saan 16 o 7 ang birth date mo (ang 16 ay 1+6=7), na siya ring birth date na 25 (ang 25 ay 2+5=7) ng mister mo. Kaya sumatotal, kayong tatlo ng ex-boyfriend at mister mo ay magkaka-compatible sa isa’t isa, kaya minsan sa isang panahon, pinagtiyap-tiyap kayo ng tadhana.


Ibig sabihin, tulad ng nararanasan mo ngayon, magiging maligaya ka rin sa kasalukuyan mong asawa dahil ka-compatible mo siya, bukod pa sa pampinansiyal na aspeto, kung saan ikaw na ang may sabi may kaya ang pamilya niya at may maganda siyang trabaho.


Dagdag pa rito, may pagkakataon ding matupad ang pangarap n’yong manirahan sa isang lugar sa Canada na malapit sa tabing dagat, dahil ang ruling element ng inyong pamilya ay water o tubig. Kaya kung magi-immigrant kayo sa Canada at nagkataong ang lugar na inyong paninirahan ay malapit sa dagat, tulad ng Vancouver, tiyak ang magaganap— ayon sa inyong Travel Calendar, sa taong 2023 o 2024, may isang produktibo at masaganang pag-a-abroad na mararanasan ang buong pamilya.


Samantala, tungkol sa palagi mo pa ring naiisip at ang ex-boyfriend mo, mawawala rin ‘yan at lilipas sa panahong naninirahan na kayong mag-anak sa ibayong-dagat.


Sabi nga, “When we fill our hearts with regrets over the failures of yesterday, we have no today in which to be thankful”. Sa Tagalog, kalimutan mo na ang nausyaming suyuan ng nakaraan, sa halip, ang masagana at maligayang pamilya ang siyang mas dapat mong mahalin at pasalamatan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page