Feeling malas sa kaibigan dahil laging sinisiraan at inaaway
- BULGAR
- Oct 25, 2020
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 25, 2020
Dear Maestro,
Bago ako pumasok sa trabaho, nagbabasa ako ng BULGAR upang maging guide sa pang-araw-araw kong buhay. Gusto kong malaman kung sadya bang malas ako sa kaibigan? Ayaw ko ng away, pero lumalapit ang gulo sa akin at ‘yung mga kaibigan ko pa ang kadalasang nakakaaway ko at naninira sa akin.
Sa ngayon, wala akong natirang kaibigan dahil puro plastik sila. Paano ko ba maiiwasan ang mga taong walang ginawa kundi magparinig o manlait, gayung wala naman akong ginagawa o sinasabing masama sa kanila?
Sana, matulungan n’yo ako dahil naiinis na ako sa kanila at gusto kong gumanti. Ano ang dapat kong gawin? Please, turuan n’yo ako para matahimik na ang buhay ko. April 17, 1995 ang birthday ko.
Umaasa,
Daisy ng San Isidro, Cainta, Rizal
Dear Daisy,
Alam mo, kung iiwas ka sa away o gulo, yayaman ka dahil ang birth date mong 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) sa destiny number na 9 (4+17+1995=2016/ 20+16= 36/ 3+6=9) at sa zodiac sign mong Aries ay strong number. At tulad ng nasabi na, maaari ngang umunlad nang todo ang iyong kabuhayan hanggang sa tuluyan kang yumaman.
Kaya ano pa ang ginagawa mo ngayon? Una, huwag ka nang pumasok sa mga intriga at kung ano-anong away, sa halip, mas magandang isubsob mo ang iyong isip at lakas sa mga bagay na pagkakaperahan tulad ng trabaho at pagnenegosyo. Sa ganyang paraan, ‘pag nag-concentrate ka sa mga bagay na pagkakaperahan, darating ang takdang araw na ang kapalaran mo ay matutupad – yayaman ka.
Sa iyong tanong kung bakit ka lapitin ng intriga at gulo, sinasabing karamihan kasi sa mga Aries ay lagi at likas na nasusuot sa gulo. Ito kasing Aries ang primera klaseng lapitin ng intriga at gulo sa dahilang ang ruling planet nila ay Mars.
Unconsciously o hindi nila namamalayan, kapag walang gulo o challenge ang kanilang buhay, malungkot o hindi sila masaya. Sa kabilang banda, kapag may gulo o intriga silang nasusuotan, doon lumalaki o tuwang-tuwa at nag-iibayo ang kanilang ego at enerhiya.
Gayunman, huwag mo nang initindihin ang pagka-Aries mo na may ruling planet na Mars. Sa halip, ang dapat mong intindihin at bigyang-halaga ay ang pagiging Taong Otso mo kung saan tulad ng nasabi na, umiwas ka sa gulo at intriga upang yumaman ka.
Magagawa mo ito kung hindi mo papansinin ang mga taong umaaway o naninira sa iyo. Sa halip na isipin kung paano mo sila gagantihan, ang isipin mo ay kung paano sila mamahalin.
Mahalin at unawain mo sila ngayon dahil mahirap ka pa lang, pero kapag nagtagumpay ka at nanaig ang numero mong otso (8) dahil ang nakatakda sa mga Taong Otso tulad mo ay pagtapos api-apihin ng tadhana at saktan ng kanyang kapaligiran ay yumaman. Sa panahong ‘yun, hindi ko sinasabing maghiganti ka nang walang taros, sa halip, kapag mayaman ka na dahil nanaig sa kapalaran mo ang pagiging Taong Otso, nasa iyo na kung itutuloy mo o hindi ang binabalak mong paghihiganti.
Pansamantala, tandaan mo ang ugali ng isang bida sa mga pelikulang Pinoy at tipikal na nobelang napapanood natin sa mga telebisyon, talagang nagpapabugbog muna ang bida. Ngunit matapos api-apihin at yurakan ng tadhana, muling bumabangon ang bida, hindi upang maghinganti kundi upang tuparin ang nakatakda sa kanilang kapalaran kung saan siya naman ang magtatagumpay at sasagana habang ang mga dati niyang nakaaway ang naghihirap at masasadlak sa kaawa-awang kalagayan sa buhay.
Nakatakdang matupad ang pagyaman kung hindi ka makikipag-aaway at maghihiganti dahil kung gagawin mo ito ngayon, wala kang magagawa dahil mahirap ka lang, kaya walang ibang paraan kundi ang magpayaman ka muna.
Ayon sa iyong Business Calendar, nakatakdang maganap ang nasabing pagyaman para sa mga Taong Otso tulad mo at sa panahong tumaba o bumilog na ang iyong katawan, magsisimula sa 2029 sa edad mong 33 pataas, humaharurot na sa pag-unlad ang iyong kabuhayan hanggang sa tuluy-tuloy ka na ring yumaman.
Samantala, ‘wag mo ring kalilimutan na sabi nga ni Haring David, kung ikaw ay may mga kaaway at maraming mga taong naiinggit at naninira sa iyo, ganito ang kanyang panalangin na nakasulat sa Bible:
“Halika O Diyos, iligtas mo ako. Lahat kong kaaway ay pasukuin mo, lupigin mo yaong masasamang tao. Yamang kaligtasa’y nagbuhat sa iyo. Pagpalain kami ng mga anak ko. Amen.” (Awit 3:7-8).
Ganyan din ang dasalin mo, Daisy. Bago matulog, kumain ng tanghalian at pagkagising sa umaga at makikita mo, ililigtas ka sa mga kaaway habang patuloy ding pagpapalain ng Diyos ang iyong pamilya at ang mga magiging anak mo tulad ng nangyari at naganap sa buhay ni Haring David.
Ang nasabing panalangin ni Haring David sa wikang Latin ay mas lalong magiging mabisa: “Non timebo millia/ populi circumdantis me:/ exurge Domine:/ salvum me fac/ Deus meus./ Quoniam tu percussisti/ omnes adversantes/ mihi sine causa:/ dentes peccatorum contrivisti. Amen.”




Comments