top of page
Search
  • BULGAR

Father's Day Special: Pagkilala sa mga dakilang ama

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 20, 2021




Isang Special Father's Day story ito. Madaling araw kung magising si Itay, nagdidingas ng panggatong para simulan na niya ang pag-iinit ng tubig, pagkatapos saka magsasaing at magpiprito ng daing na kinawil pa niya sa dagat.


Habang nakasalang ang niluluto niya, pupunta siya sa likod bahay para kumuha ng ilang piraso ng dahon ng saging at doon niya ibabalot ang baon ko na itlog at kamatis. Pagbalik niya ay tutungo siya sa dakong bintana ng silid ko para gisingin ako, "Mario, Mario, anak, gising na at papasok ka na," pagaralgal na boses ni Itay, habang kumukuha siya ng ilang piraso ng itlog na mainit-init pang galing sa kanyang inahin.


Habang inibabaw niya sa iniinin na kanin ang mga itlog ay isinasalin naman niya ang laman ng kumulong takure sa isang timba ng tubig na pampaligo ko, "Handa na rin ang pampaligo mo, anak, isahod mo na lang sa batya ang katawan mo ha, at ipandidilig ko na lamang sa halaman mamya ang ipinampaligo mo," tuwinang bilin nito sa umaga.

Iniaayos na niya ang uniporme kong pamasok, sapatos at bag habang ako'y naliligo, papasakalye pa yan na, " Anak, mamaya ko na didikitan ng rugby ang butas mong de goma, pati itong bag mo punit na pala, tatahiin ko rin 'pag nakahiram ako sa lola Tasing mo ng gamit."


Pagkabihis at pagkakain ko imbes na sumasabay si Itay sa akin ng agahan ay tinitipon na niya ang labahin, mga marurumi kong damit, kobre kama na kahit kubo lang ang bahay namin ay nakahiga ako sa kutson, kahit si Itay ay sa papag at banig lang ang pinaka-kobre kama.


May sarili akong aparador, may kurtina ang kuwarto ko, may maliit na TV, makinilya na mumurahin lang na sinikap niyang ipundar kahit na ang kapalit nito ay ang inahin niyang baka noong nag-high school na ako.


Minsan ko lang nabanggit sa kanya na pangarap kong maging isang sikat na direktor at writer at sinorpresa niya ako ng isang typewriter galing sa eskuwela.


Tanging tatlong piraso ng bangko ang sala namin. Ang bungad ng kubo namin ay pulos dinaing na isda ang nakasabit. May mga banga na iniimbakan ng patis. Sa silid ni Itay ay tanging isang maliit na kabinet na kahoy lang ang naroon na lagayan niya ng damit, nandun na lahat ng gamit niya, isang kupasing tsinelas na isinusuot niya lang 'pag may PTA meeting sa iskul namin.


Sampung taon na buhat nang mamatay si Inay sa panganganak sa akin bilang panganay nila ay si Itay na ang nagtataguyod sa akin. Ni minsan ay hindi ko siya nakitang nakipagbaylehan sa tumana at hindi siya nanligaw.

Wala akong nakitang pinagbigyan niya ang mga tomador sa kalyeng nadadaanan para lamang tumagay siya. 'Yun nga lang hindi niya ako maturuan sa assignment ko 'pag academic subject na ang pag-uusapan. 'Di raw niya kayang gawin 'yun, di raw siya tapos ng elementarya, pero pagdating sa mga project ko sa practical arts, ang husay niya. 'Pag iniwan ko sa kanya ang paggawa ng kariton, tahimik niyang inuumpisahan 'yun at hindi niya tutulugan kahit mapuyat pa siya ay matapos lang ang proyekto ko. Nauuna pa ako sa mga kaklase ko na magpasa ng project sa iskul pag siya na ang gumawa.


'Di man siya palasalitang tao at makuwento ay masarap naman siyang kasama sa buhay sapagkat lahat ng klase ng proteksiyon ay ibibigay niya sa'yo.


Halos ako lang ang nakakulambo, siya ay hindi, sanay daw siya sa lamig. Maski may sakit siya at paulit-ulit ang ubo na 'di niya inaalintana dahil sa madalas siyang matuyuan ng pawis sa bukid ay tatanggapin niya ang pakyawang pag-ani. Pang-matrikula ko lang ang makukuha niya roon sa pagkokolehiyo ko.


Kaya naman kahit anong tawag ng kalokohan sa paligid ko sa eskuwela ay 'di magagawang sirain ang pangarap sa akin ni Itay. Tatapusin ko ang aking pag-aaral at ihahandog ko sa kanya ang lahat ng aking karangalan, paglilingkuran ko siya kapag nakapagtrabaho ako. Ibibigay ko sa kanya lahat ang unang suweldo ko. Tapos ay mag-iipon ako upang maipagawa ko ang aming kubo. Magpapagawa ako ng de makinang poso dito sa lugar namin para may patubig na hanapbuhay si Itay para hindi na siya iigib kapag kailangan namin. Isa pa'y may rayuma na siya at malakas na ang panginginig ng kanyang mga kamay dahil sa pasma. Ngayong Araw ng mga Ama, dinadakila kita Itay, hindi mo alintana ang puyat, gutom, at pagod upang ako lamang ay iyong itaguyod. Unang taon ko sa trabaho bilang scriptwriter sa isang telenovela ay inspirado ako dahil sa kanya. Salamat Inay, ibinigay mo sa akin si Itay! (Balik-tanaw na kuwento ng isang masipag na manunulat sa telebisyon at radyo).

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page