top of page

Fate Line na nagsimula sa gitna ng palad, indikasyon na magkakaroon ng permanenteng trabaho sa 2022

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 25, 2021
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| January 25, 2021




KATANUNGAN


  1. Ang problema ko ay ganito, may maganda naman akong Fate Line o Career Line, pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makahanap ng regular at magandang trabaho?

  2. Samantalang sabi n’yo, ‘pag may magandang Fate Line na walang bilog at hindi nalatid ay magiging maganda ang kapalaran sa aspetong pang career o hanapbuhay.

  3. Naisipan ko na ring magtanong at sumangguni sa inyo upang malaman kung kailan ako magkakaroon ng regular at magandang trabaho na angkop sa natapos kong kursong Accountancy?


KASAGUTAN


  1. Tama ka, Menchie, kapansin-pansing may malinaw at maganda ka namang Fate o Career Line sa kaliwa at kanan mong palad (Drawing A. at B. F-F arrow a. at b.), ngunit ang hindi mo napansin, nagsimula ang nasabing Career o Fate Line (arrow b.) sa medyo gitnang bahagi na ng iyong palad (arrow a.) at saka pa lamang tuluyang luminaw nang husto at nakarating sa kanyang destinasyon (arrow b.). Ibig sabihin, bago ka makahanap ng regular at magandang trabaho, kailangang tumuntong ka muna sa medyo gitnang bahagi ng iyong edad at ito ay humigit-kumulang sa edad mong 25 hanggang 30 pataas.

  2. Kaya kung 23-anyos ka pa lang ngayon, maaaring sa susunod na taon o mga dalawang taon pa, walang duda na makatatagpo ka na ng permanenteng trabaho. Gayundin, mahigit dalawang taon ka pang masusuong sa pabagu-bago at hindi permanenteng trabaho sa isang opisina o establisimyento na may kaugnayan din sa natapos mong kurso.

  3. Samantala, ang pagkahilig sa kaliwang direksiyon ng sulat kamay ay tanda o tendency ng withdrawal symptom o sabihin na nating medyo galit ka sa mundo o lipunan na iyong ginagalawan, ito rin ay tanda ng makasarili ka, walang pakialam sa mundo at may pagka-neurotic.

  4. Ang neurotic ay hindi naman sakit sa pag-iisip tulad ng psychoses. Sa halip, ang mga neurotic ay may matinong takbo ng kaisipan, nakaka-adapt sa kapaligiran, alam ang tamang oras at araw. ‘Yun nga lang, ang mga neurotic ay mahilig magsuspetsa sa kanyang kapwa, palaging nag-iisip ng negatibo at minsan, sila ay may “one-tract mind”. Ibig sabihin, kung ano ang obsession na makatoyoan, ‘yun lang ang iniisip at laman ng kanilang konsentrasyon at isipan.

  5. Kaya mas maganda at dapat gawin ay baguhin mo ang hapay ng iyong sulat kamay. Samakatuwid, ang pinaka-ideal na sulat kamay kung tagumpay sa materyal na bagay at maligayang pamumuhay ang pag-uusapan, silang may straight o nakatayong sulat kamay na bahagyang humahapay sa direksiyong kanan. ‘Yan ang gawin mong paghapay ng iyong sulat kamay upang simula ngayon ay hindi ka lang magkaroon ng matatag at magandang trabaho kundi tuluy-tuloy ka na ring liligaya at magtatagumpay.


DAPAT GAWIN


Habang, ayon sa iyong mga datos, Menchie, mula ngayon, paglipas ng isa o maaaring dalawang taon, sa susunod na taong 2022 hanggang 2023, sa edad mong 25 pataas, sa buwan ng Abril hanggang Mayo, kusa kang makatatagpo ng regular, permanente at magandang trabaho na angkop sa iyong kurso sa isang kumpanya na may kulay berde at dilaw na logo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page