Face mask, mandatory man o hindi, piliin kung ano ang mas safe
@Editorial | September 9, 2022
Kasunod ng rekomendasyong hindi na mandatory ang pagsusuot ng face mask sa labas, na inaprubahan na umano ni Pangulong Bongbong Marcos, dapat pa ring mas piliin kung ano ang mas safe.
Maaaring mas komportable na tayo nang walang suot na mask, lalo na kapag nasa labas o hindi naman crowded ang lugar at maayos ang bentilasyon, pero dapat pa ring maging maingat.
Palagi pa ring magdala ng face mask para anumang pagkakataon ay handa tayo. Kumbaga, kahit tayo'y nasa labas, hindi maiiwasan na biglang magkaroon ng siksikan. At syempre, may pagkakataon na mula sa labas, eh, papasok pa rin tayo sa mga establisimyento na required mag-face mask.
Samantala, kung may pagluluwag man sa outdoor areas, nagbabala naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Units (LGUs) na sila'y mananagot kapag hindi ipinatupad ang mandatory na pagsusuot ng face mask sa mga indoor events. Hindi puwedeng may makalimot at magpabaya laban sa COVID-19. Hinay-hinay lang hanggang sa tuluyan na nating makontrol ang sitwasyon sa gitna ng banta ng COVID.
Patuloy tayong sumunod sa mga polisiya ng Inter-Agency Task Force (IATF), huwag pasaway.
Tiyakin nating ang mga pagluluwag na ginagawa ay hindi naman maglalagay sa atin sa alanganin.
Hindi lang COVID-19 pandemic ang kalaban natin, may kabuhayan pa tayong ibinabangon at dahil hindi na uubra ang lockdown, kailangan talaga nating maging mas maingat at matatag.



Comments