Excited ka na bang bumoto?... Mga Dos and Don’ts ngayong halalan
- BULGAR
- Oct 23, 2023
- 2 min read
ni Mabel G. Vieron @Gulat Ka 'No?! | October 23, 2023

Isang linggo na lang ay idaraos na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Napakahalaga araw nito dahil ito ang araw kung kailan tayo magluluklok ng panibagong mga lider na mamumuno.
Dahil dito, hinihikayat natin ang lahat na bumoto at ‘wag sayangin ang pagkakataong ito upang maging bahagi ng pagpili ng mga bagong lider. Para, iwas-aberya, narito ang mga dapat at ‘di dapat gawin sa araw ng halalan:
DAPAT NA MALAMAN ANG PRECINCT NUMBER. Kailangan alam natin kung saang presinto tayo dapat magtungo upang maiwasan ang pananatili nang matagal sa polling place. Kung sakaling ‘di n’yo talaga alam ang inyong precinct number, magtungo kayo sa precinct finder ng Commission on Elections (Comelec). Kailangan lamang ilagay ang iyong pangalan at kung saang distrito at lungsod ka nakarehistro, ru’n makikita mo na kung saang presinto ka nakatakdang bumoto. Maaari ka ring magtungo sa opisina ng election officer para ma-verify kung saan ang iyong presinto.
PROTEKTAHAN ANG BALOTA. Bago simulan ang pag-shade, tiyaking malinis ang balota at walang anumang sira o dumi. Ayon sa batas ang “spoiled” ballot ay hindi tatanggapin ng machine at kung ito ay kasalanan ng botante, hindi na maaaring magbibigay ng panibagong balota. Isa pang paalala, tiyaking tama ang pag-shade at iwasang mag-over vote upang hindi masayang ang inyong boto. Samantala, puwede ang mag-under vote, ngunit hinihikayat ang mga botante na kumpletuhin ang listahan.
‘WAG PIKTYURAN. Dahil ito ay isang paglabag sa ballot secrecy, at maaari rin itong magamit sa vote buying o vote selling.
‘Di dapat natin kalimutan ang mga ito para maging maayos ang takbo ng ating pagboto. Pero, kung magluluklok tayo siguraduhin natin na magiging maayos ang kanilang dalawang taong termino.
Hangad natin ang malinis at payapang halalan at mangyayari lamang ‘yan kung gagawin ng bawat isa ang obligasyon na maging responsableng botante.
Copy?








Comments