Ex-PBA coach Bayno, nagbitiw sa Pacers, dahil sa depresyon

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 10, 2021

Labis na kalungkutan ang dahilan kung kaya nagbitiw sa tungkulin bilang assistant coach ng Indiana Pacers si Bill Bayno at ang kalagayan sa kanyang isipan ngayon ang uunahin niyang asikasuhin.
Napag-alaman na noong nakaraang dalawang taon ay namatay ang kanyang mga magulang, nasundan ng ilang masasakit na pangyayari sa personal na buhay at nasundan pa noong 2020 ng pagkamatay din ng kanyang mga close friends. Matatandaan na saglit umupo bilang coach ng Talk ‘N Text sa PBA ang ngayong 58 anyos na si Bayno sa 2002 Governors Cup at Commissioner’s Cup.
Samantala, nagpamalas ng tatag sa free throw si DeMar DeRozan sa huling walong segundo upang ibigay sa San Antonio Spurs ang 105-100 tagumpay sa Golden State Warriors sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa AT&T Center. Ibinura ni DeRozan ang huling paghabol ng Warriors sa kanyang apat na free throw para sa ikatlong sunod na panalo ng Spurs.
Huling nagbanta ang Warriors sa tres ni Stephen Curry upang lumapit ng isa at siyam na segundo ang nalalabi, 100-101. Nanguna sa Spurs (14-10) si Dejounte Murray na may 27 puntos at sinundan ni DeRozan na may 21 puntos.
Lumapit ang defending champion Los Angeles Lakers sa Utah Jazz para sa liderato ng buong NBA matapos talunin ang Oklahoma City Thunder sa overtime, 119-112. Naubusan ng lakas ang Thunder (10-13) sa overtime at ginamit itong pagkakataon para lumayo agad ang Lakers (19-6) sa likod ng triple double ni LeBron James na 28 puntos.
Kumapit ang Phoenix Suns sa huling 2 minuto upang patumbahin ang Cleveland Cavaliers, 119-113, sa likod ng mga free throw nina Devin Booker at Mikal Bridges. Ipinasok ni Bradley Beal ang tatlong mahalagang free throw sa loob ng huling 10 segundo upang maipanalo ang Washington Wizards sa nagbabantang Chicago Bulls, 105-101. Nagtapos si Beal, ang numero uno sa puntos sa buong NBA, na may 35 puntos at sinundan ng double-double ng Hapon na si Rui Hachimura na 19 puntos para sa kartadang 6-15.
Ginamit ng Charlotte Hornets ang biglang paglamig ng Houston Rockets sa fourth quarter upang maukit ang 119-94 na panalo. Nagpasikat muli sina rookie LaMelo Ball na may 24 puntos at Miles Bridges na may 19 puntos habang 19 puntos din si Gordon Hayward.
Inilampaso ng Toronto Raptors ang Memphis Grizzlies, 128-113. Nagtagumpay ang Dallas Mavericks sa Minnesota Timberwolves, 127-122, sa tapatan ng dalawang koponan sa pinakailalim ng Western Conference.





Comments