Ex-bf na dyowa na ng bff, dapat nang kalimutan dahil iba ang ka-compatible
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| February 16, 2022
Dear Maestro,
May boyfriend ako noon, pero naghiwalay kami at pagkatapos, naging sila ng bestfriend ko.
Sa ngayon ay sila na, pero nararamdaman kong mahal pa rin ako ng boyfriend ko at kaya niya ginagawa ‘yun ay dahil nais niya lang akong saktan o pagselosin.
Gusto kong malaman, Maestro, kung muli ba kaming magkakabalikan at mahal pa rin ba niya ako o mas mahal niya na ang bestfriend ko? November 10, 1999 ang birthday ko, habang February 3, 1998 naman ang ex-boyfriend ko at October 17, 2000 ang bestfriend ko.
Umaasa,
Ms. Scorpio ng Sabang, Baler, Aurora
Dear Ms. Scorpio,
Huwag mo nang asahang babalik pa ang iyong ex-boyfriend na napunta na pala sa bestfriend mo. Ito ay dahil ang zodiac sign mong Scorpio at Aquarius naman ang ex-boyfriend mo ay nagsasabing hindi kayo compatible sa isa’t isa, sa halip, ang tunay na ka-compatible ng ex mo ay ang bestfriend mo na isinilang sa zodiac sign na Libra.
Ibig sabihin, anuman ang mangyari, mahal man ng ex-boyfriend mo o hindi ang kasalukuyan niyang girlfriend, tiyak na sa bandang huli, posibleng sila na ang magkatuluyan.
Kaya tulad ng nasabi na, pabayaan mo nang lumigaya sa ibang babae ang ex-boyfriend mo, habang hayaan mo namang lumigaya ang bestfriend mo sa piling niya. Kapag maluwag sa loob mong tinanggap ang mga pangyayari at kapag sila nga ang nagkatuluyan, hindi ka lalabas na kaawa-awa at luhaan dahil binalewala mo ang lahat ng nagdaang relasyon n’yo ng ex-boyfriend mo.
Samantala, sa susunod na pakikipagrelasyon, upang hindi ka na muling iwanan at mabigo, humanap ka ng lalaking ka-compatible mo talaga.
Sila ang mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Cancer, Pisces, Taurus at kapwa mo Scorpio, higit lalo silang isinilang sa mga petsang 4, 13, 22, 31, 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25 – sa piling ng ganyang klaseng lalaki, tiyak ang magaganap, magkakaroon ka na ng panatag, maligaya at panghabambuhay na relasyon.
Ayon sa iyong Love Calendar, nakatakda kang magkaroon ng panatag, maligaya at panghabambuhay na relasyon sa lalaking ka-compatible mo talaga kaya hindi ka na niya iiwan.
Ito ay tiyak na magaganap sa taong 2023, sa buwan ng Hunyo o Hulyo sa edad mong 23 pataas.




Comments