top of page

Evacuation center sa bawat komunidad, kailangan na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 21
  • 1 min read

by Info @Editorial | October 21, 2025



Editorial


Bagyo, lindol, bagyo na naman na sinasabayan pa ng aftershocks. Ganito ang kasalukuyang kalagayan sa ilang lugar sa bansa. 


Kaya ang ating mga kababayan ay laging takot at nagmamadaling lumikas, pero hindi maitatanggi na halos wala naman silang maayos na mapuntahan.


Sa gitna ng sunud-sunod na kalamidad, mas lumilinaw ang kakulangan natin sa matitibay at kumpletong evacuation center. 


Siksikan, walang maayos na palikuran, walang sapat na pagkain, at wala ring proteksyon laban sa sakit — ganito ang hinaharap ng mga evacuee sa tuwing may sakuna. 


Dapat ay magkaroon na ng mga evacuation center na kayang tumagal sa malalakas na lindol at bagyo. May maayos na palikuran, supply ng tubig at kuryente. 

Pagtuunan din ang espasyo para sa mga bata, buntis, at matatanda. Ganundin ang pagkakaroon ng clinic para sa agarang lunas.


Hindi sapat ang pansamantalang solusyon. Hindi rin tama na paaralan o barangay hall ang ginagamit tuwing may sakuna — naaantala ang klase at delikado ang kondisyon ng mga evacuee.


Ang matibay na evacuation center ay hindi lang gusali. Ito ay simbolo ng kahandaan at malasakit ng pamahalaan sa taumbayan.


Sa harap ng paulit-ulit na trahedya, dapat nang magkaroon ng matatag, kumpleto, at permanenteng evacuation centers sa bawat komunidad.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page