Ermat na tutol sa alok na kasal ng bf ng anak
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | April 12, 2023
Dear Sister Isabel,
Ayaw ko sanang malaman ng iba ang problema ko, pero hindi ko na alam ang gagawin, kaya sumangguni na ako sa inyo.
Tungkol ito sa anak kong babae dahil nabuntis siya ng kanyang boyfriend. Ang sabi ng lalaki, ipalaglag niya ang bata dahil hindi pa raw ito handang maging ama. Nagalit ako nang todo at sinabi sa anak ko na layuan na niya ang lalaking ‘yun.
Sa awa ng Diyos ay nakapanganak na ang anak ko, at ako na lang ang nag-alaga sa apo ko. Ang problema ko ay ginugulo kami ng ama niya, gusto raw makita ang bata at handa na raw pakasalan ang anak ko, eh, wala naman siyang stable na trabaho, gaya pa rin ng dati na pa-extra-extra kumanta sa bar. Isa pa, sinunod namin ang pangalan ng bata sa apelyido namin.
Ito namang anak ko ay parang gustong makipagbalikan sa kanya, gayung alam niya na wala namang pababago ang boyfriend niya.
Ano ang dapat kong gawin, Sister Isabel?
Nagpapasalamat,
Dolores ng Marikina
Sa iyo, Dolores,
Nakikisimpatiya ako sa dinaranas mong problema sa kasalukuyan. Hindi ko rin alam sa mga kabataan ngayon dahil hindi iniintindi kung mabubuntis o hindi ng boyfriend nila at kung paano aalagaan at bibigyan ng magandang buhay ang magiging anak nila. Parang wala lang, kaya ikaw tuloy bilang ina ang pumasan ng responsibilidad at balak na namang bumalik sa boyfriend niyang iresponsable.
Ang maipapayo ko sa iyo ay huwag mong hayaang mabola na naman ng boyfriend niya ang anak mo. Maliwanag na aanakan na naman niya ang anak mo at tapos hindi naman pananagutan. Sabihin mo rin sa anak mo idilat niya ang kanyang mga mata sa katotohanan na wala siyang mapapalang mabuti kung makikipagbalikan siya sa naturang lalaki. Ipaalala mo sa kanya na ang isang pagkakamali ay sapat na at hindi na dapat ulitin pa.
Kausapin mo rin nang masinsinan ang lalaking ‘yan na ipakita muna niya na may matatag na siyang hanapbuhay, kayang magpamilya at bigyan ng magandang kinabukasan ang mag-ina niya.
Kung hindi pa, tama lang na huwag ibalik sa kanya ang bata at magsama sila ng anak mo kahit pa sabihing handa na siyang pakasalan ito.
Sa palagay ko naman ay magpapakatino na ang boyfriend ng anak mo at magsusumikap sa buhay para magsama-sama na silang tatlo. Lakip nito ang dalangin ko na maging maayos na ang lahat sa awa at tulong ng Diyos na lumikha.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments