top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

El Niño alert, magtipid sa tubig

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 24, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | April 24, 2023


Hiniling ng National Water Resources Board (NWRB) sa publiko na magtipid sa suplay ng tubig sa papalapit na El Niño phenomenon.


Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David, naghahanap na umano ng mapagkukunan ng suplay ng tubig ang NWRB at iba pang water-related agencies ng gobyerno para sa magiging epekto ng El Niño ngayong taon.


Noong Sabado, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posible silang maglabas ng El Niño Alert sa Mayo dahil tumaas ang tsansa ng weather phenomenon.


Binanggit din ng state weather bureau na pagsapit ng Hulyo, Agosto, at Setyembre, mayroong 80% na posibilidad na mangyari ang El Niño, at ang dry spell ay magsisimula sa Oktubre, Nobyembre, at Disyembre.


Ang buong epekto ng phenomenon ay mararanasan sa Enero, Pebrero, Marso, at Abril.


Ang El Niño phenomenon ay nailalarawan sa pamamagitan ng abnormal na pag-init ng mga temperatura sa ibabaw ng dagat sa gitna at silangang ekwador na Karagatang Pasipiko at mas mababa sa normal na pag-ulan.


Ayon sa opisyal ng NWRB, humahanap din ang ahensya ng mga paraan upang samantalahin ang inaasahang above-normal na pag-ulan bago ang pagsisimula ng El Niño.


Dagdag pa ni David, titingnan pa umano kung paano maiipon o mako-conserve ang tubig ulan na mapapakinabangan ngayong tagtuyot o summer season.


Nanawagan din si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na gumawa ng grupo na tututok sa pagpapagaan sa magiging epekto ng El Niño phenomenon.


Matatandang, noong nakaraang buwan, sinabi ng PAGASA na inaasahang magsisimula ang phenomenon sa Hunyo ngayong taon. Giit naman ng weather bureau, ang pattern ng klima sa bansa ay mananatiling neutral mula Marso hanggang Hunyo.


Ngayong nahaharap sa krisis sa tubig ang bansa, huwag tayong mag-aksaya at matuto tayong mag-recycle ng tubig.


Iwasan din natin na hayaang nakabukas at tulo nang tulo ang tubig sa mga gripo dahil maraming tubig ang masasayang.


Sa pamamagitan ng mga simpleng hakbang na ito, malaki ang maitutulong ng bawat isa sa atin upang makatipid tayo at hindi masayang ang pinaka-importanteng kailangan natin sa araw araw, ang tubig.


Mahalagang isaisip natin ang pagtitipid ng tubig upang may sapat tayong suplay na magagamit, hindi lang sa kasalukuyan, ngunit sa mga susunod pang araw, buwan at taon.


Maganda ang layunin ng gobyerno na nais nilang isulong ang tamang paggamit ng tubig nang sa gayun ay maraming mamamayan ang sumunod.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page