Education student, yayaman sa pagnenegosyo at ‘di sa pagtuturo
- BULGAR
- Sep 18, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 18, 2021

KATANUNGAN
Nagtataka ako kung bakit ang ibang tao ay yumayaman, habang ang iba ay hindi pero kung tutuusin, pare-pareho lang naman silang nagsisikap sa buhay? ‘Yun ngang mga basurero, construction worker, magsasaka at iba pa, hindi ba’t maaga pa lang ay gising na sila at gabi na kung umuwi ng bahay, magtataka ka dahil kahit gaano sila kasipag at kasikap sa buhay, ganundin sila kahirap.
Iniisip ko tuloy minsan, tama kayo, Maestro, na nakatakda na sa guhit ng palad ang pagyaman at ‘yun ang nais kong suriin mo sa aking palad. Kapag nakatapos ba ako ng kurso kong Education, yayaman din ako?
KASAGUTAN
Tama ka, Eugine, nasa guhit ng palad ang pagyaman at ang unang tinitingnan dito ay ang Head Line kung saan ‘pag straight na medyo maikli lang ang Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, ito ay indikasyon na ang nasabing indibidwal ay kakaunti lang ang laman ng isip at ‘yun ay puro tungkol pa sa pagkakaperahan at materyal na bagay. Kung ikukumpara mo naman sa sloping Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) na medyo mahaba, sila ang mga taong masyadong maraming laman ang isipan at dahil kung ano-ano ang iniisip, kaunti na lang ang panahon nilang mag-isip kung paano magkakapera at magpapayaman.
Sa kaso mo, sloping ang Head Line sa kaliwang palad (H-H arrow c.), habang naging straight Head Line ang kanang palad (Drawing A. at B. arrow d.) na nangangahulugang ipinanganak ka para mag-isip ng kung ano-anong bagay para maging idealistic at marami ngang pangarap na gustong mangyari sa buhay (H-H arrow c.). Pero dahil napansin mong wala rin namang kuwenta ang mga bagay na iniisip mo, mas naisip mong puro salapi at materyal na bagay na lang ang pagtuunan ng pansin (arrow d.), kaya naging straight Head Line (H-H arrow d.) ang kanan mong palad.
Sa puntong ito ng iyong buhay, malinaw na habang nagma-mature ka, nagiging praktikal ka naman, nagiging materyoso, nagiging mukhang pera, nagiging masinop sa buhay at minsan ay nagiging tuso at hindi nagpapaargabyado pagdating na sa salapi. Habang na i-implant sa katauhan mo ang ganu’ng pagmamahal sa materyal na bagay, hindi mo napapansing unti-unti ka nang umuunlad at yumayaman, hanggang sa matupad sa iyong tadhana ang zodiac sign mong Capricorn. Dahil sa painot-inot na pagsisikap at todo-todong pagsisipag, ang mga Capricorn ay karaniwang yumayaman sa edad nilang 52 pataas.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Eugine, mapalad ka dahil nakatakda na rin sa kanan mong palad ang yumaman, hindi dahil sa pagtuturo o pagpa-practice mo ng kursong may kaugnayan sa edukasyon, bagkus ay dahil sa pagnenegosyo (N-N arrow e.) ng mga produktong may kaugnayan sa pangunahing pangangailangan ng mga tao tulad ng bigas, de-lata, gatas, noodles, mantika, asukal at iba pang produktong grocery na nakatakdang mangyayari at magaganap sa taong 2054 sa edad mong 53 pataas.




Comments