Edgardo
- BULGAR
- Oct 19, 2023
- 2 min read
ni Lucifera @Lagim | October 19, 2023
“Imposible,” wika ni Edgardo sabay iling.
Matapos siyang atakihin ay wala na siyang maalala. Kahit ano’ng isip ang kanyang gawin ay hindi niya matandaan kung saang ospital siya dinala, at kung sino ang mga nakasama niya ng panahong parang pinipiga ang kanyang puso.
“Sa tingin mo ba, hindi mo kakaharapin si Kamatayan?”
Bigla siyang napatitig dito, at pagkaraan ay umiling siya nang umiling.
“Hindi, hindi ako namatay!” Nahihintakutan niyang sabi.
“Ano’ng tingin mong dahilan kaya hindi ka pinapansin ng mga tao sa paligid mo?” Mapaghamong tanong nito.
Bigla siyang natigilan, at pakiramdam niya ay mayroong kamao na biglang sumuntok sa kanya, kaya para siyang nakaramdam ng pagkahilo. Nanumbalik kasi sa kanyang isipan kung ano’ng mga nararanasan niya sa mga nakalipas na araw. Kahit ano’ng gawin pagbati niya sa mga ito ay hindi siya pinapansin gayung dati naman ay kaliwa’t kanan ang bumabati sa kanya dahil sa mga ginagawa at sinasabi niyang kakenkoyan. Hindi niya naisip ‘yun dahil naghinala agad siyang kinaiinggitan siya ng mga ito dahil marami siyang kinikita.
Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Maging ang pamilya niya ay pinag-isipan din niya ng masama. Kahit kailan ay hindi siya binastos ng kanyang pamilya. Sobra-sobra ang atensyon na ibinibigay ng mga ito sa kanya dahil gusto ng mga itong maramdaman niya ang kanilang pagmamahal.
‘Yun nga lang, kahit ano’ng gawin ng mga magulang at kapatid niya ay hindi niya nagagawang i-appreciate ang mga ito. Ang nananahan kasi sa kanyang puso ay ang kanyang insecurities.
“Eh, bakit ikaw?” Napapantastikuhang tanong nito. Bigla lang siyang natigilan ng may ideya na pumasok sa kanyang isip na labis na nagpakaba sa kanya.
Dahil titig na titig ito sa kanya at tiyak na nababasa ni Ferdie kung ano’ng tumatakbo sa kanyang isipan. Isang nakakakilabot na ngiti ang pinawalan nito.
“Pareho kasi tayo,” wika nito.
“Patay ka na rin?” Mangha niyang tanong.
Humalakhak ito na nakakapangilabot. “Mabuti naman at tanggap mo na ang kamatayan mo. Hindi ka na mahihirapang tanggapin ang susunod kong sasabihin.”
“Ano?”
“Kumuha ka ng anim na kaluluwa para makapasok ka sa pintuan na dapat mong tahakin,” ngising-ngising sabi ni Ferdie na parang may kung ano pang naglalaro sa isip.
Itutuloy…
Comments