Earth Rooster, dapat umiwas sa away para ‘di pumangit ang career at kabuhayan
- BULGAR

- Sep 17, 2020
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | September 17, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang magiging kapalaran ng Rooster o Tandang ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.
Alalahaning ang Rooster o Tandang ay nahahati sa limang uri batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:
Metal Rooster o Bakal na Tandang - silang mga isinilang noong 1921 at 1981
Water Rooster o Tubig na Tandang - silang mga isinilang noong 1933 at 1993
Wood Rooster o Kahoy na Tandang - silang mga isinilang noong 1945 at 2005
Fire Rooster o Apoy na Tandang - silang mga isinilang noong 1957 at 2017
Earth Rooster o Lupa na Tandang - silang mga isinilang noong 1909 at 1969
Sa nakaraang isyu, tinalakay natin ang kapalaran ng Metal Rooster, Water Rooster, Wood Rooster at Fire Rooster, kaya sa pagkakataong ito, pag-usapan naman natin ang pinakahuling uri ng Rooster at ito ang Earth Rooster o Lupa na Tandang.
Kilala sa pagiging praktikal, matalino at mapamaraan ang Earth Rooster. Sa panahong ito ng pandemya, hindi siya agad-agad magagapi o mawawalan ng pag-asa, sa halip, habang patuloy na may pagsubok at suliranin ang buhay, lalo namang tatatag at gaganda ang kanyang kapalaran. Kumbaga sa gradas ng sabungan, lagi silang handang makipaglaban kung saan sa bandang huli, ang kalaban ay madali nilang nagagapi.
Sa career at propesyon, bagama’t ngayong 2020 hanggang 2021 ay magtutuloy-tuloy na bubulas at gaganda ang kapalaran na may kaugnayan sa kabuhayan, ito ay mangyayari sa patuloy na pakikisalamuha at pakiki-umpok sa lipunan. May babala naman na ang mga intriga, paninira at inggitan ay hindi rin maiiwasan sa buong 2020. Kapag hindi ka nagpakahinahon, may babala na ang mga maliliit na intriga ay lumaki, na magiging dahilan upang pumangit ang career at kabuhayan. Kaya naman ngayong 2020 hanggang 2021, kung sakaling may maliit na sigalot at intriga, hindi mo na dapat itong patulan o palakihin. Sa halip, ang pagpapasensiya at pang-unawa ang siya pa ring pinakamabisang solusyon upang makaiwas ka sa mga problemang may kaugnayan sa pakikisalamuha sa iyong kapwa. Sapagkat kapag napanatili mo ang pagiging kampante at walang kaaway ngayon hanggang sa 2021, may pangako na lalo pang uunlad at lalago ang inyong kabuhayan.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, may babala na ang mga dating relasyon na dumating sa buhay mo ay muling mauulit, ngunit hindi mo dapat na patulan pa, higit lalo kung ikaw ay may karelasyon o pananagutan na sa buhay. Gayunman, kahit sabihin pang single ka, may kapareha o asawa, bukod sa mga dating pakikipagrelasyong babalik, may mga bago at kakaibang relasyong mararanasan, na makapagbibigay sa iyo ng kakaibang sarap at sigla sa kabila ng katotohanang ang mga biglaang relasyong ito ay itatala na panandalian lamang.
Sa pangkalahatan, magiging masarap at maligaya pa rin ang kasalukuyang relasyong iniingat-ingatan, hanggang napananatili ang mataas na level ng kabuhayan. Ibig sabihin, walang problema sa pamilya, pakikipagrelasyon, hangga’t napananatili mong masagana at maunlad ang materyal na aspeto ng iyong buhay, hindi lamang ngayong 2020 kundi maging sa 2021, may pangako at tiyak namang magkakatotoo na lalo pang uunlad at magiging maligaya ang buhay ng tulad mong praktikal, matalino at masayahing Lupa na Tandang.
Itutuloy






Comments