top of page
Search
  • BULGAR

Earth Horse na wala pang love life, ‘di dapat malungkot dahil mas oks mag-asawa nang late

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | July 7, 2020


Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign ngayong taon, tatalakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng mga isinilang sa Year of the Horse ngayong Year of the Metal Rat.

Alalahaning ang Horse o Kabayo ay nahahati sa limang uri batay sa taglay nilang elemento. Ang iba’t ibang uri ng Kabayo base sa taglay niyang elemento ay ang mga sumusunod:

  • Metal Horse o Bakal na Kabayo - silang mga isinilang noong 1930 at 1990

  • Water Horse o Tubig na Kabayo - silang mga isinilang noong 1942 at 2002

  • Wood Horse o Kahoy na Kabayo - silang mga isinilang noong 1954 at 2014

  • Fire Horse o Apoy na Kabayo - silang mga isinilang noong 1966

  • Earth Horse o Lupa na Kabayo - silang mga isinilang noong 1978 at 1938

Noong nakaraang mga isyu, tinalakay natin ang magiging kapalaran ng Metal Horse, Water Horse, Wood Horse at Fire Horse. Sa pagkakataong ito, dadako tayo sa pang-lima at huling uri ng kabayo ayon sa taglay niyang elemento at ito ang Earth Horse o Kabayong Lupa.


Bukod sa pagiging mahilig sa adventure at pakikipagsapalaran, ang Earth Horse ay kilala rin na likas na nagtataglay ng mabuting kalooban kung saan handa siyang magbigay at magsakripisyo para sa kanyang mga kaibigan. Bukod sa mga kaibigan, tumutulong din siya sa mahihirap at kapus-palad nang hindi naghihintay ng anumang kapalit. Dahil sa pagkakaroon ng likas na mabuting puso at kalooban, ito ang nagiging dahilan kung bakit kahit na datnan ng mga pagsubok at suliranin ang Earth Horse, lalo na sa panahong ito ng COVID-19 pandemic, agad-agad siyang nakaka-recover at lalo pang gaganda ang kanilang kapalaran, sapagkat mahal at iniingatan sila ng langit. Kadalasan, tadhana mismo ang nagbibigay sa kanila ng proteksiyon at magagandang kapalaran nang hindi nila namamalayan.


Dagdag pa rito, ngayong 2020, tuluy-tuloy na aangat ang kabuhayan at career ng mga isinilang sa impluwensiya ng Earth Horse. May mga biglaan at hindi inaasahang promosyon sa trabaho o career silang matatanggap, ganundin sa larangan ng negosyo. Sa umpisa, akala nila ay mahihirapan at babagsak na ang kalakal, pero walang anu-ano at bigla itong makaaahon at lalo pang lalakas ang kinikita. Sinasabi ring bago matapos ang taon, may biglang malaking suwerteng mangyayari at matatanggap ang Earth Horse sa larangan ng salapi at materyal na bagay.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, kung wala ka pa ring karelasyon o asawa at tumatandang binata o dalaga ka na, ‘wag kang malungkot dahil ngayong 2020, matatagpuan mo na ang iyong kataling-puso at mientras late in life ka na nakapag-asawa, mas magiging paborable sa iyo ang kapalaran, lalo kang susuwertehin at habambuhay na liligaya.


Samantala, sa mga may asawa at karelasyon na, bagama’t may mga problemang magaganap sa relasyon, ito ay magiging panandalian o pansamantala lamang at madali ring mareresolba. Tandaang tulad noong mga nagdaang taon, ang pangunahing magiging problema ng inyong samahan ay may kaugnayan pa rin sa pinansiyal, kaya kung maipa-priority ang pag-iipon para sa future ng mga anak at emergency, tiyak na ang relasyon ay magiging maunlad at habambuhay na magiging maligaya, basta panatilihin lamang na may “reserved” na ipon ang pamilya para sa mga biglaang pangangailangan.


Dahil may malaking halaga ng salapi na darating tulad ng naipaliwanag na, sa huling mga buwan ng 2020 ay tunay namang magiging maligaya, hindi lamang para sa sarili mo kundi para na rin sa kapakanan ng buong pamilya.


‘Yun nga lang, ‘wag na ‘wag mong kalimutang ingatan ang iyong kalusugan, upang ang suwerteng darating na may kaugnayan sa salapi ay magamit at ma-enjoy mo nang sagad at maligaya, hindi lamang para sa taong ito kundi hanggang sa 2021. Sa nasabing panahon, umasa kang patuloy pa rin ang dating ng magandang kapalaran sa iyong buhay.

Itutuloy

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page