E-wallet na ayuda sa mga magsasaka, para iwas-korupsiyon
- BULGAR
- Feb 11, 2024
- 1 min read
Updated: Feb 11, 2024
@Editorial | Pebrero 11, 2024
Magandang balita para sa mga magsasaka dahil inaprubahan na ng Department of Agriculture ang pamamahagi ng P22.9 bilyong subsidiya sa pamamagitan ng e-wallet.
Nakasaad naman sa Memorandum Order No. 8, ang subsidiya ay gagamitin sa pagbili ng hybrid seeds, inorganic fertilizer, biofertilizer, at iba pa.
Malugod din itong inaprubahan ng Federation of Free Farmers (FFF) dahil mayroon ng opsyon ang mga benepisyaryo sa pagbili ng inputs at mababawasan din umano ang korupsiyon.
Sa ngayon, hinihikayat na lang ng grupo na i-update ang Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) para magkaroon ng kumpletong listahan ng mga magsasaka ang DA at masubaybayan kung ano’ng mga uri ng suporta ang makukuha at nakuha ng bawat magsasaka.
Nabanggit din sa MO 8 na tanging ang mga magsasaka na nakarehistro sa ilalim ng RSBSA ang karapat-dapat na makatanggap ng suporta hanggang sa 10 ektarya, habang ang mga magsasaka sa non-clustered area ay maaaring makatanggap ng hanggang limang ektarya lamang.
Umaasa tayo na magpapatuloy pa ang suporta at tulong na gagawin ng gobyerno sa mga magsasaka upang makaahon sa kahirapan.
Maging matagumpay din sana ang hakbang na ito at tiyaking ligtas ang pamamahagi ng subsidiya dahil batid natin ang nangyayaring aberya at umano'y pangha-hack sa mga e-wallet.
Hiling natin na umpisa na ito ng malaking kaginhawaan para sa mga kapatid nating magsasaka at tuluyang makabangon sa kalamidad at kahirapan.
Komentar