Dudang may kabit at anak sa iba ang mister pero ‘di maghihiwalay
- BULGAR
- Mar 31, 2022
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | March 31, 2022

KATANUNGAN
Mula nang mag-abroad ang mister ko ay natuto siyang mambabae. Ewan ko kung sa Taiwan niya nakilala ‘yung babae niya ngayon na regular niyang pinupuntahan sa Laguna. Ang balita ko ay dalaga siya at sa pakiramdam ko ay may anak na sila. Ayaw umamin ng mister ko at sinasabi niyang may binibisita lang siyang project doon dahil isa siyang kontratista, kaya kung saan-saang lugar siya na-a-assign.
Totoo bang may babae at anak ang mister ko? Posible rin bang maghiwalay kami dahil nakita kong parang biyak ang kaisa-isang Marriage Line sa aking palad?
Umuuwi pa naman sa akin ang mister ko, pero sa loob ng isang linggo, dalawa hanggang tatlong araw lang siyang nandito sa bahay dahil pumupunta siya sa iba’t ibang lugar kung saan sila may project ang company nila.
KASAGUTAN
Kung ano ang nangyayari sa buhay mo sa ngayon, malamang na ‘yan din ang nasa Marriage Line sa kaliwa at kanan mong palad (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), hindi mo ba napapansin? Ibig sabihin ng nabiyak na Marriage Line (arrow a.), bagama’t hindi kayo lubusang hiwalay, bihira naman kayong magsama. Okey at normal o maligaya pa rin naman ang ganu’ng relasyon kung walang ibang babae si mister.
Pero sa kaso mo, ikaw na ang nagsasabing may babae siya at hinihinala mong may anak siya ru’n, kaya tulad ng naipaliwanag na, ito rin ang ibig sabihin ng nabiyak na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a,) sa kaliwa at kanan mong palad, umuuwi pa rin sa iyo ang mister mo, pero ang kadalasan niyang inuuwian ay ang babae niya. ‘Yan ang tinatawag na “open marriage” kung saan, bukas ang komunikasyon n’yong mag-asawa, habang ganundin sila ng kanyang kerida.
Kaya sa iyong tanong kung maghihiwalay kayo o lubusan kang iiwanan ng iyong mister, ang guhit ng iyong palad na ang sumasagot na hindi. Dahil ang malinaw na nangyayari ngayon, may kabahagi ka sa pagmamahal at sa seksuwal na aspeto ng iyong asawa, kaya naman hindi naging maayos o maganda ang iyong Marriage Line (arrow a.), na posibleng ang ganyang set-up o sistema ng inyong pagsasama ay panghabambuhay na. At sa sandaling tumanda at nag-retire si mister sa trabaho, posible namang sa kanyang pagtanda, sa legal at tunay na asawa o pamilya naman siya uuwi.
MGA DAPAT GAWIN
Mapalad ang mga misis na kahit may babae ang kanilang asawa ay nagagawa pa rin regular na nakapag-iintrega ng pera. Higit namang mapalad si misis, na bukod sa naiintregahan pa ng pera ng kanyang mister ay nagagawa pa rin ni mister na makipagtalik sa kanya at paligayahin ito kahit minsan lamang.
Pinakamasaklap naman ang kapalaran ng mga misis na matapos mambabae si mister ay hindi na inuwian at ang pinakamalala, inabandona nang tuluyan ang pamilya at kahit minsan ay hindi na nagawang makapag-intrega sa kanyang lehitimong pamilya.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Emma, tama ang sinasabi ng Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) na nabiyak sa kaliwa at kanan mong palad, posible ngang may babae si mister at may isa pang pamilya. Pero tulad ng naipaliwanag na, mapalad ka pa rin kaysa sa ibang misis na may babaerong mister dahil tiyak na ang magaganap – habambuhay kang regular na uuwiian ni mister at iintregahan, at kailanman ay hindi na kayo maghihiwalay pa, kaya kahit papaano ay mananatiling buo at maligaya ang inyong pamilya hanggang sa panahong kapwa kayo tumanda na.




Comments